PALIBHASA’Y dumanas na ng matinding sindak sa kamay ng mga palaboy ng lansangan, ikinatuwa ko ang direktiba ni Pangulong Duterte hinggil sa mistulang paglipol ng naturang grupo na naghahasik ng panganib sa mga komunidad. Nakatuon ang naturang utos sa mga tambay na kung hindi nag-iinuman ay nagsusugal, sa mga nakahubad, sa mga pasuray-suray na sa biglang tingin ay handang pumatay at mamatay.
Hindi ko malilimutan ang isang kahindik-hindik na eksena nang ako ay habulin ng mga lasing sa alak at lango sa droga sa isang kalye na hindi kalayuan sa pinapasukan kong unibersidad sa Maynila. Bagama’t maraming taon na ang nakalipas, isa itong patunay na ang gayong tanawin ay palasak pa hanggang ngayon – dahilan upang paigtingin ng Pangulo ang kampanya laban sa mga palaboy ng lansangan na ang karamihan ay pinaghihinalaang mga users, pushers at druglords; hindi malayo na sila ay mga miyembro ng kinatatakutang akyat-bahay gang.
Kung tutuusin, hindi na kailangan ang utos ng Pangulo laban sa mga tambay. Halos lahat ng local government units (LGUs) ay nagpatibay at nagpapatupad na ng mga batas at ordinansa na naglalayong makalikha ng isang tahimik, at isang disente o marangal na lipunan; umiiral sa ilang komunidad ang curfew hour laban sa mga menor-de-edad na marapat lamang mailayo sa panganib, lalo na sa gabi.
Matagal nang umiiral ang naturang mga kautusan at batas. Dangan nga lamang at sumpungin, wika nga, ang mga alagad ng batas at ang mismong mga tauhan ng barangay sa pagtugis sa mga pasaway na tambay. Ngayong kumilos na ang administrasyon, libu-libong violators naman ang dinampot; ang iba ay sinasabing kaagad ikinulong. Nagmalabis kaya sa kapangyarihan ang mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin?
Ang ganitong sitwasyon ay kaagad namang inalmahan o pinalagan ng pamunuan ng Commission on Human Rights (CHR); nanindigan ito na ang pagdakip sa sinasabing mga palaboy ng kalye ay isang tandisang paglabag sa malayang pagkilos ng sinuman. Ibig sabihin, walang dapat pagbawalang gumala sa mga lansangan – sa araw man o sa gabi – kung sila ay hindi naman banta sa katahimikan. Nais marahil ng CHR na ang sinumang palaboy ay dapat lamang arestuhin, usigin at hatulan ng hukuman kung kinakailangan; nais nilang pairalin ang tinatawag na rule of law.
Tanggapin natin na sa kabila ng maigting na pagpuksa ng administrasyon sa kriminalidad, lalo na ang illegal drugs, talamak pa rin ang paghahasik ng karahasan sa mga komunidad. Patuloy ang paggala ng masasamang elemento ng sambayanan na bigla na lamang pumapatay ng mga pari, huwes, taga-usig at ng iba pang prominenteng mamamayan.
Ang ganitong mga salarin na laging nakahandang pumatay at mamatay ay dapat pagtulung-tulungang puksain ng mga alagad ng batas.
-Celo Lagmay