NAGPADALA ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) kay dating Philippine Karatedo Federation (PKF) Secretary General Reymond Lee Reyes upang harapin ang kaso na Malversation of Public Funds na isasampa laban sa kanya.
Ayon sa nasabing subpoena, kailangan humarap si Reyes ngayong alas-2 ng hapon sa sala ni City Prosedutor ng Manila na si Edward Togonon sa City Hall ng Maynila at hindi siya papayagan na ipagpaliban ang nasabing imbitasyon, maliban na lamang kung may mabigat na dahilan.
Ang nasabing kaso ay nagbunsod nang akusahan ng ilang karatekas si Reyes hinggil sa maling paggamit ng kanilang pondo na ginastos sa training nito sa Germany noong Agosto ng nakaraang taon, na dagli naman binusisi ng Philippine Sports Commission (PSC) kung saan ay ipinasa naman nila ang imbestigasyon sa NBI.
Kabilang sa mga atleta na nagreklamo laban kay Reyes ay sina Engen Stoner, John Paul Bejar, Miyuki Tacay, Rexor Tacay, Jayson Ramil Macaalay at Orencio James delos Santos na pawang miyembro ng National Team na isinabak sa nakalipas na SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hindi na nabigyang katwiran ni Reyes ang paggamit niya ng pera sa kanilang nakaraang byahe kung saan mismong ang allowance ng mga atleta na dapat sana ay nagkakahalag ng $1,800 bawat isa ay nabawasan ng halos higit sa kalahati.
Nauna nang sinispinde ng PSC ang ‘financial assistance’ sa PKF at kinalinga ang mga atleta. Sinipa rin ang asosasyon sa inookupahan nitong opisina sa Philsports na pagmamay-ari rin ng PSC.
-Annie Abad