Dapat magkaroon ng delicadeza ang mga opisyal ng pamahalaan at huwag sayangin ang pondo ng bansa sa mga biyahe sa ibang bansa o sila ay masisibak, babala ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kamakailan.

Sinabi ng Pangulo na may mga pinatalsik na siyang opisyal na sangkot sa labis-labis na pagbiyahe sa ibang bansa at hindi siya magdadalawang-isip na patalsikin ang iba pa na umaabuso sa pera ng taumbayan.

“Even those innocent travels, travels, if you have exceeded something like 20 travels a year, I will ask you to resign,” ani Duterte bago ang pagtitipon ng mga bagong halal na opisyal ng barangay sa Laguna, nitong Huwebes.

“There are so many things that out of delicadeza we should have -- even the smallest… Respeto sa tao na huwag naman gastusin na ‘yung pera left and right na ganun na lang,” dugtong niya.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Iginiit ni Duterte na hindi niya kinukunsinti ang pang-aabuso sa kapangyarihan, kabilang ang maling paggamit ng mga pondo para sa biyahe sa ibang bansa.

“I hate all of these things because I do not do it,” aniya, binanggit ang mismong pag-iwas niya sa mahahabang biyahe abroad.

Sinabi rin ng Pangulo na magpapatuloy ang kampanya kontra korapsiyon ng kanyang pamahalaan.

“I will stop corruption in government. And mind you, ginagawa ko araw-araw ‘yan. Walang araw dito na walang opisyal na pinapatalsik ko,” diin niya.

-Genalyn D. Kabiling