By Bert de Guzman
PATULOY sa pagbagsak ang halaga ng piso kontra dolyar habang ang TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) law ay patuloy sa pananagasa sa mga mamamayan bunsod ng pagsikad sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ang pagbagsak ng piso ang pinakamababa sa nakalipas na 12 taon. Habang nagagalak ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at exporters sa paglakas ng dolyar laban sa piso, nalulungkot naman ang mga importer.
May mga ulat na hindi sususpendihin o ipatitigil ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang nananagasang TRAIN sa kabila ng mga himutok at pagdurusa ng taumbayan, lalo na ng ordinaryong tao na sumasahod lang ng minimum wage. Katwiran ng kanyang economic managers, hindi naman ang TRAIN ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo kundi ang pagsikad ng presyo ng crude oil sa world market at profiteering ng mga tuso at gahamang negosyante.
Naniniwala sina Mano Digong at ang grupo ng kanyang mga eksperto sa ekonomiya at pananalapi na ang suspensiyon ng TRAIN ay makaaapekto sa pagkakaloob ng basic services. Sa pahayag ni PDu30 sa paglagda sa memorandum of agreement (MOA) tungkol sa free education sa pagitan ng Commission on Higher Education (Ched) at ng state universities and colleges (SUCs), iginiit niyang kailangan ang TRAIN upang makapagkaloob ng libre at de-kalidad na edukasyon sa lahat, partikular sa mahihirap na mga estudyante.
Binanggit niya ang posisyon ni DepEd Sec. Leonor Briones na kailangan ang mahigpit na pangongolekta ng buwis upang magamit ang pera sa tuition fees ng mga estudyante na naka-enroll sa public schools at colleges.
Naunang binanatan ni Sen. Antonio Trillanes IV ang Pangulo. Sumunod ay si ex-Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Ngayon ang napagbalingan niya ng banat ay si Davao City Mayor Sara Duterte. Ayon kay Trillanes, patatakbuhin ni PRRD si Inday Sara sa pagka-senador sa 2019 upang ihanda sa panguluhan sa 2022 upang maipagtanggol si PRRD kung ano man ang ikakaso pagkatapos ng kanyang termino.
Nagalit si Sara at pinagsabihan si Trillanes na huwag siyang idamay sa “kalokohan” nito. Hindi raw niya uurungan si Trillanes. Sabi ng matapang na si Inday Sara kay Trillanes: “Leave me in peace in Davao City, or else you and your friends will spend more than a billion in the 2022 presidential elections just to make me insignificant.”
Ayon kay Sara Duterte, huwag siyang kalabanin ni Trillanes dahil baka matulad siya sa kapalaran ng mga naging kalaban niya noon sa pulitika na pinulot sa kangkungan, tulad nina ex-Speaker Prospero Nograles at Speaker Pantaleon Alvarez.
Badya ng may “balls” na anak ng Pangulo: “Like Speaker Alvarez, my advice to you is not to think of me nor speak of my name, not even a whisper of Inday Sara from your ugly lips.” Ipinagkibit-balikat lang daw ng rebeldeng kawal na ngayon ay senador, ang banta ng matapang na mayor.
Siyanga pala, marami ang nagtatanong kung ang target naman ngayon ng TOKHANG ay ang mga paring katoliko. Ilang pari na ang napapatay ng mga salarin. Nosibalasi? Lumantad kayo at magpakalalaki. Bakit ang pinapatay ninyo ay mga alagad ng Diyos?