Ni FRANCO G. REGALA
CAMP OLIVAS, Pampanga – Nasa 60 barangay sa apat na lalawigan sa Central Luzon ang lubog pa rin sa aabot sa dalawa hanggang walong talampakan ang lalim na baha na dulot ng pag-uulan na epekto ng habagat, ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC)-3.
Kinumpirma kahapon ng RDRRMC-3 na lubog pa rin sa baha ang 37 barangay sa Pampanga, 14 sa Bulacan, lima sa Bataan, at apat sa Zambales.
Sa Barangay San Agustin sa Candaba, Pampanga, napaulat na aabot sa apat hanggang walong talampakan ang lalim ng baha, habang siyam na iba pang barangay ang lubog sa dalawa hanggang apat na talampakang lalim ng tubig, ayon kay Candaba Mayor Danilo D. Baylon.
Bukod sa Candaba, lubog pa rin sa baha hanggang kahapon ang pitong barangay sa Macabebe, siyam sa Masantol, apat sa San Luis, lima sa San Simon, at tatlo sa Arayat.
Sa Bulacan, baha rin sa walong barangay sa Meycauayan City, tatlo sa Bulakan, at tig-iisa sa Marilao, Balagtas, at San Miguel.
Nasa dalawang talampakan naman ang lalim ng baha sa Bgy. Almasen sa Hermosa, gayundin sa ilang barangay sa Dinalupihan, Bataan simula pa nitong Martes, ayon sa RDRRMC-3.
Samantala, lumabas na kahapon sa bansa ang bagyong ‘Ester’, subalit patuloy pa ring uulanin ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa habagat.
Tinaya kahapon ng umaga ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lokasyon ng Ester sa 635 kilometro sa hilaga-hilagang-silangan ng Basco, Batanes.
Mayroon itong lakas ng hanging aabot sa 60 kilometers per hour (kph), at bugsong 90 kph, habang kumikilos pasilangan-hilagang-silangan sa bilis na 38 kph.
Inaasahang patuloy na makaaapekto ang Ester sa habagat na magpapaulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan group of islands, Tarlac, Pampanga, Bataan, at Zambales. (May ulat ni Ellalyn De Vera-Ruiz)