Sinuspinde kahapon ang klase, pagdinig sa mga korte at pinauwi ang mga empleyado ng gobyerno sa Metro Manila dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan at pagbaha.

Malayo na sa bansa ang bagyong ‘Domeng’, ngunit patuloy nitong pinalalakas ang hanging habagat na nagdadala ng masamang panahon.

Ini-report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 14,096 na pamilya o katumbas ng 71,322 katao ang apektado ng patuloy na pag-ulan.

Umabot naman sa 81 bahay ang nawasak at 15 bahay naman ang bahagyang nasira ng habagat.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa Metro Manila, half day lang ang trabaho sa mga korte.

Kasama na rito ang Supreme Court, Court of Appeals, Sandigabayan, at Court of Tax Appeals.

Wala ring pasok sa mga paaralan sa Metro Manila at ilang lalawigan.

Sa ulat na ipinarating sa Department of Education (DepEd), napilitang suspindehin ang klase sa Metro Manila dahil sa masamang panahon.

Kabilang na rito ang Caloocan, Las Piñas, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Pateros, San Juan, Quezon, at Valenzuela.

Wala namang pasok mula preschool hanggang high school sa public at private schools sa Taguig City.

Wala ring pasok sa Abra (preschool to high school, public at private); Bacoor, Cavite (preschool to elementary, public at private); Bataan (lahat ng antas, public at private); Batangas (lahat ng antas, public at private); Meycauayan, Bulacan (lahat ng antas, public at private); Olongapo City, Zambales (lahat ng antas, public at private); Subic, Zambales (lahat ng antas, public at private); at Cavite (lahat ng antas, public at private).

Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa Rizal dahil sa pagdiriwang ng Araw ng Lalawigan ng Rizal.

Kahit wala nang bagyo, muling itinaas ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Asministration (PAGASA) ang yellow rainfall warning o paunang alerto sa baha sa malaking bahagi ng Luzon.

Partikular na winarningan sa baha ang Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Zambales, at Bataan.

Inalerto rin sa pag-ulan ang Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, northern Quezon, Tarlac, at Nueva Ecija.

Pinag-iingat ng awtoridad ang mga residente sa mga inalertong mabababang lugar, malapit sa ilog, pati sa tabi ng bundok at burol dahil sa posibleng pagguho ng lupa.

Sa Mindoro, anim na mangingisdang Pinoy ang nasagip ng isang barko matapos lumubog ang kanilang bangka noong Sabado.

Kinila ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda na sina Rodrigo Lungay, 56; Gerry Guzman, 49; Efepanio Balete, 35; Arturo Egang, 56; Dunio Delgado, 38; at Mario Lungay, 53.

-Beth Camia, Mary Ann Santiago, Jun Fabon, at Betheena Kae Unite