Sinuportahan ng Kamara de Representantes ang panukala na magkakaloob sa pribadong sektor na magtrabaho sa bahay sa pamamagitan ng telecommuting.
Nagkaisa ang mga kongresista na aprubahan sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7402 o ang panukalang “Telecommuting Act” na bigyan ng option ang empleyado ng pribadong sektor na magtrabaho sa bahay.
Ang panukala ay binuo nina Reps. Alfred Vargas III (PDP-laban, Quezon City); Sherwin Tugna (CIBAC partylist); Eric Martinez (PDP-Laban, Valenzuela City) at Dale Malapitan (NP, Caloocan City).
Sa ilalim ng bill telecommuting ay binigyang-kahulugan na flexible work arrangement na pinapayagan ang mga empleyado sa pribadong sektor na magtrabaho sa alternatibong lugar gamit ang telecommunication at computer technologies.
“It improves organization retention, employee performance, and customer satisfaction. It also leads to a better health condition for employees as telecommuting lessens their exposure to pollution,” sabi ni Vargas.
Idinagdag niya na, “it boosts employees’ morale and cuts their stress, thus leading to their increase in work productivity.”
Ayon kay Vargas, ipinasa na ng Senado ang bersiyon nito. Ito ay binuo ni Senador Joel Villanueva.
Sa HB 7402, ang kumpanya sa pribadong sektor ay maaaring mag-alok ng telecommuting program sa mga empleyado nito sa voluntary basis, at nakapaloob sa mga kondisyon na kanilang mapagkakasunduan. - Ben R. Rosario