LAS VEGAS (AP) — Pinaliguan ng rapidong bigwas ni Terence Crawford ang Australian champion na si Jeff Horn sa ikasiyam na round tungo sa TKO win nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Pinaluhod ni Crawford si Horn may 50 segundo ang nalalabi sa ikasiyam na round para tapusin ang laban at angkinin ang WBO welterweight title at patatagin ang katayuan bilang isa sa ‘pound for pound’ fighter sa mundo.
Itinigil ni referee Robert Byrd ang laban may 28 segundo ang nalalabi sa naturang round.
“Like I said before, I was the stronger guy,” pahayag ni Crawford, nakapagpatama ng 48 porsiyento ng binitiwang suntok, ayon sa record ng CompuBox. “He did everything we expected him to do. He came in there with the intentions of roughing me up and getting aggressive. But the thing he didn’t understand was how strong I was. I think they underestimated me a little bit.
“I’m stronger than him. I just had to get in the ring and prove it. You saw what I did in there. Now I want all the champions at welterweight,” aniya.
Umangat sa 147-pound si Crawford (33-0, 24 knockouts) para tanghaling ikaanim na fighter sa kasaysayan ng sports na nagwagi ng world title sa lightweight, junior welterweight at welterweight. Itinuturing na isa sa pinakamatikas na ‘pound-for-pound fighter’, binitiwan ni Crawford ang hawak na apat na major belts sa junior welterweight division para makaharap si Horn sa mas mabigat ng welterweight class.
Nahila ng 30-anyos na pambato ng Omaha, Nebraska, ang record sa 11-0 (walong knockouts) sa world title fights, pinakamarami na naitala ng isang aktibong American fighter.
Bago ang laban, nahirapang ang 30-anyos na si Horn (18-1-1, 12 knockouts) na makuha ang tamang timbang. Sa kanyang unang pagtatangka weigh-in, umabot siya sa bigat na 148 lbs. Nakamit niya ang titulo nang magapi si Pinoy champion Manny Pacquiao via decision noong Hulyo sa kanyang hometown Brisbane, Australia. Naidepensa niya ito kay Gary Corcoran nitong Disyembre sa Brisbane. Ito ang unang laban ni Horn sa labas ng Australia.
“He was hard to tag, and he just kept me guessing.He’s a classy fighter who fought a great fight,” pahayag ni Horn.