Inaresto ng pulisya ang walong Israeli at 474 Pinoy kaugnay ng pagkakasangkot umano ng mga ito sa online trading scam na nambibiktima sa iba’t ibang bansa at nakabase sa Pampanga.

Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay batay sa reklamo ng mga banyaga mula sa Europe, New Zealand, Australia, South Africa at Russia.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde na sinalakay nila ang opisina ng mga suspek, ang International Brandings Development Marketing, Inc. (IBD) sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga, nitong Miyekules ng umaga.

Paglilinaw ni Albayalde, ang mga nadakip na Pinoy ay pawang empleyado ng nasabing kumpanya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi muna binanggit ni Albayalde ang pagkakakilanlan ng mga suspek upang hindi mabulilyaso ang isinasagawang operasyon laban sa iba pang suspek.

“This is an international group engaged in fraudulent foreign financial transactions involving millions of dollars. Their victims include people from Europe, New Zealand, Australia, South Africa and Russia,” ayon kay Albayalde.

Aniya, nakatanggap ng reklamo ang kanilang tanggapan kaugnay ng umano’y operasyon ng online trading scam na bumibiktima ng mga foreigner.

Nakakubra na, aniya, ang sindikato ng ilang milyong dolyar mula sa mga dayuhang kliyente ng mga ito sa pamamagitan ng online trading.

Natuklasan sa kanilang imbestigasyon na ang kumpanya ay pinatatakbo umano ng mga nagngangalang Gal Manobla, Natali Grin, Ishay Shaulov, at Noa Hofman.

“During the raid, eight male Israeli nationals were arrested while in the act of managing, operating and manning the three target buildings while 232 male and 242 female Filipinos were caught while in the act of communicating and doing online transactions with foreign clients,” ani Albayalde.

-Aaron Recuenco