Wala pang isang linggo ang nakalipas matapos niyang sibakin ang isang opisyal ng Bureau of Customs (BoC), tinanggal naman ni Pangulong Duterte sa tungkulin si Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) chief Celestina Ma. Jude de la Serna, dahil sa umano’y labis na pagbibiyahe.

Sinibak si De la Serna halos isang buwan makaraang paimbestigahan ng Pangulo ang kanyang mga biyahe na ginastusan ng kabuuang P627,293.04 sa loob lang ng isang taon, gayung umabot sa P8.92 bilyon ang nalugi sa ahensiya noong 2017, batay sa unaudited financial statement nito na naka-post online.

Itinalaga ni Pangulong Duterte si PhilHealth board member Dr. Roy Ferrer bilang kapalit ni De la Serna.

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ipinag-utos ng Pangulo na imbestigahan ang PhilHealth upang maipatupad na ang universal healthcare sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Noong nakaraang linggo lang ay sinibak ni Duterte si BoC Deputy Commissioner Noel Prudente dahil sa labis ding pagbibiyahe sa Singapore at Europe.

Sa kanyang pagharap sa Filipino community sa Seoul, South Korea nitong Linggo, inihayag ni Duterte na aabot na sa 30 opisyal ng gobyerno ang kanyang sinibak bilang bahagi ng malawakang kampanya ng kanyang pamahalaan laban sa kurapsiyon.

“To date, I have fired almost lahat kilala ko and sadly, ito ‘yung mga tao nag-udyok sa akin [na kumandidato]—nandoon ako sa Davao, pinupuntahan ako, pinepeste ako,” sabi ni Duterte.

“So to date, I have fired about 30,” dagdag pa niya. “I’m fighting corruption. You know that. Pati sila. Sinabi ko talaga sa kanila na even a whiff.”

-Argyll Cyrus B. Geducos at Genalyn D. Kabiling