Arestado ang dalawang suspek sa pananaksak sa tatlong basketball player sa labas ng isang bar sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Isinugod sa Saint Luke’s Medical Hospital sa BGC sina Jeron Alvin Teng, 24, player ng Alaska; Norberto Torres y Dela Cruz, 28, player ng Rain or Shine; at Thomas Christopher Torres, 23, dating point guard ng De La Salle Green Archers.

Iprinisinta naman ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. sa media ang mga suspek na sina Edmar Lacanlale y Manalo, 40, US citizen; at Willard Basili y Lim, 38, ng Country Homes, Putatan, Muntinlupa City.

Nagtamo ng saksak sa katawan sina Teng at Thomas Torres habang sa kaliwang braso naman may saksak si Norberto Torres.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa inisyal na ulat ng SPD, naganap ang insidente sa labas ng Early Night Club Fort Strip sa BGC, dakong 2:30 ng madaling araw.

Naglalakad umano ang mga biktima sa lugar nang tawagin umano sila ng mga suspek at kinumpronta hanggang sa humantong sa mainit na pagtatalo.

Sinasabing pinagsusuntok at pinagsasaksak ng mga suspek, gamit ang ring knife, ang mga biktima.

Kaagad na inaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 7 ang mga suspek, na sasampahan ng kasong frustrated homicide at less serious physical injuries sa Taguig Prosecutor’s Office.

Kinumpirma ni Jeric Teng ang sinapit ng nakababatang kapatid.

“It was a deep cut sa likod pa… he was lucky na puwedeng tamaan ‘yung mga vital organs, pero buti wala. Pero ‘yun nga, lahat sila eh, sina Norbert Torres and Thomas Torres, lahat sila may mga deep cut,” ani Jeric.

Kapapanalo lang ng koponan ni Jeron, 109-103 laban sa GlobalPort nitong Sabado, at nakaiskor siya ng walong puntos at 10 rebounds, habang may limang puntos at tatlong rebounds si Norbert para sa Rain or Shine, na tumalo sa Magnolia, 99-96.

-Bella Gamotea at Dhel Nazario