Maghihintay ang mga planong amyendahan ang Konstitusyon at lumipat sa federal government hanggang sa pagbabalik ng 17th Congress sa Hulyo.
Tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na tatalakayin ang mga panukala para sa Charter change (Chacha) sa pagbabalik nila sa trabaho sa third regular session ng Kongreso sa Hulyo 23.
Nag-sine die adjournment ang Senado nitong Huwebes ng umaga, matapos ang halos 10-oras na deliberasyon sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na inaprubahan nito sa ikatlo at pinal na pagbasa sa botong 1-0.
Sinabi ni Senator Aquilino Pimentel III na isinantabi ang diskusyon sa federalismo dahil pinili ng dalawang kapulungan ng Kongreso na hintayin ang rekomendasyon ng binuong Consultative Committee (Con-com) ni Pangulong Rodrigo Duterte para repasuhin ang 1987 Constitution.
Ginunita ni Pimentel nitong Huwebes ang pagpupulong nila ni House Speaker Pantaleon Alvarez nang siya ay Senate president pa, at nagkasundo sila na hintayin ang findings ng Concom na inaasahan sa Hulyo.
“We will await the July announcement of the product of Con-com, so ngayon nag-lie low ang talk [on Chacha],” aniya sa panayam ng mga mamamahayag.
Sa pagbabalik ng Senado, inaasahan ding ipagpapatuloy nila ang mga diskusyon sa resolusyon na kumukuwestiyon sa desisyon ng Supreme Court na patalsikin si Maria Lourdes Sereno bilang Chief Justice batay sa quo warranto petition, at ang panukalang P1.16-bilyon supplemental budget para sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, para sa gastos sa pagpapagamot na maaaring bunga ng bakuna.
Bago magsara ang second regular session nito, niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee reports para sa panukalang Philippine Identification System Act of 2018; panukalang Retirement Law of the Office of the Ombudsman; at ang panukalang Personal Property Security Act.
-Vanne Elaine P. Terrazola