Nanindigan kahapon ni Solicitor General Jose Calida na hindi siya magbibitiw sa puwesto kaugnay ng kinakaharap niyang kontrobersiya tungkol sa security firm ng kanyang pamilya na nakakuha ng mga kontrata sa pamahalaan.

“Why should I?” pagtatanong ni Calida sa isang panayam sa telebisyon kahapon. “As far as I’m concerned, I’ve not done anything wrong and there is no issue of morality here.”

Ito ang tugon ni Calida matapos siyang ipagtanggol ni Pangulong Duterte nitong Huwebes kaugnay ng naturang alegasyon.

Naniniwala aniya ito na resulta lamang ito ng matagumpay na pagpapatalsik nila kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“They’re angry with me because I won the quo warranto case,” giit ni Calida.

Matatandaang bumoto ang Korte Suprema ng 8-6 pabor sa quo warranto petition ni Calida na nagpapatalsik sa puwesto kay Sereno sa kabiguan umanong makatupad sa isa sa mga requirement ng Judicial and Bar Council (JBC) na pagsusumite ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Kamakailan, kinasuhan si Calida sa Office of the Ombudsman kaugnay ng alegasyon na nagkakaroon ng conflict of interest ang paghawak niya ng posisyon sa pamahalaan dahil sa pag-aari niyang Vigilant Investigative and Security Agency, Inc.

“The first thing that I did was to resign from Vigilant, because I was slated to be appointed as Solicitor General,” depensa naman ni Calida.

Tanggap naman ng Malacañang ang posibilidad na imbestigahan si Calida ng Department of Justice (DoJ) at ng Senado kaugnay ng usapin.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ito na lamang ang tanging paraan upang maresolba ang usapin.

-JEFFREY G. DAMICOG at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS