STO. TOMAS, Batangas – Inaresto ang isang barangay chairman at dalawang iba pa makaraang salakayin ang bahay ng opisyal at masamsaman ng ilang baril at bala sa Sto. Tomas, Batangas, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-4A Director Guillermo Eleazar ang arestadong kapitan na si Jay Monterola, 41, ng Barangay Sta. Clara.

Sinabi ni Eleazar na nagkasa ang mga operatiba ng Regional Special Operations Unit (RSOU) at Sto. Tomas Police ng search warrant operations sa bahay ni Monterola bandang 5:00 ng umaga.

Armado ng search warrant na ipinalabas ni Judge Agripino Morga, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 29-32 ng San Pablo City, Laguna, nakumpiska sa raid ang isang .30  caliber carbine rifle, dalawang .45 caliber pistol, dalawang magazine ng carbine na may 56 na bala, at anim na magazine ng .45 na may 43 bala.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Dinakma rin ng pulisya ang mga bodyguard ni Monterola na sina Crizaldo Castillo, 49, ng Sariaya, Quezon; at Samuel Gordura, 47, ng Borongan, Eastern Samar, na nagsisilbi umanong private armed group (PAG) ng opisyal.

Si Monterola ang humalili kay Leonor Angeles, na binaril at napatay ng hindi nakilalang suspek noong Oktubre 2016 habang nasa loob ng opisina nito, na pinaniniwalaang bunsod ng away sa quarrying.

Isa si Monterola sa mga suspek ng pulisya sa pagpatay sa isang alyas “Carding”, na pinaslang sa harap ng barangay hall noong 2014.

Ang biktima ay biyenang lalaki ng nakalaban ni Monterola para barangay chairman nitong Mayo 14, si Eric Jaurigue.

Nahalal si Monterola sa katatapos na halalan para sa una niyang termino bilang chairman ng Bgy. Sta. Clara.

-LYKA MANALO