ISA sa mga itinuro sa amin sa Ateneo Law School ang babala na, “The Supreme Court (SC) is the supreme arbiter of all legal cases and consitutional issues. Even when it makes a mistake, it is still supreme”.
Sa payak na pagpapaliwanag, “Magkamali man ang Korte Suprema sa kanilang paghuhusga, sa kanila pa rin ang huling salita”. Sa ating sistema ng pamahalaan, ang Kongreso ang pumapanday at nagpapasa ng batas. Ang sangay na Ehekutibo naman ang tagapagpatupad ng batas. Sa Kataas-Taasang Hukuman nakaatas ang tungkulin na magluwal ng interpretasyon o paliwanag sa kahulugan ng batas.
Sa tatlong nabanggit na sangay nahahati ang kabuuang kapangyarihan ng gobyerno. Sa naging paghuhukom ng Korte Suprema tungkol sa kaso ni dating Chief Justice Lourdes Sereno, wala na tayong magagawa. Nandiyan na ‘yan. Maliban nalang kung naisin ng kanyang grupong kumilos, maglupasay sa lansangan at mag-EDSA ‘ek-ek’ ulit. May bagong butas (hindi pinto) ang nabuksan sa pagpapatalsik ng tinaguriang “constitutional officers”, halimbawa ay ang presidente, bise presidente, Comelec commissioners at iba pa. Hindi lang prosesong “impeachment” ang tanging pamamaraan, dahil maaari na ang ‘quo warranto’.
Ito ang pagsusuma sa naging desisyon ng SC sa nasabing isyu. Ang mga nag-aaral sa kurso ng batas o nais maging abogado sa susunod na Bar Exams ay kailangang tumalima sa bagong pananaw, kahit medyo mapait sa panlasa. Sakaling taliwas ang isasagot ninyo sa pambansang pagsusulit, bagsak agad!
Ang kaibahan ng SC sa Amerika at Pilipinas ay: 1) Siyam na bilang ng justices 2) Walang retirement age 3) Kumpirmasyon ng Senado 3) Jurisprudence nila gaya ng pagpayag noon sa “negrong alipin”; at sa kasalukuyan, “abortion”.
Malinaw na may mga naging kontrobersyal na desisyon din ang SC ng Estados Unidos katulad sa atin. Ang maugong na tanong: Maaari bang sumailalim sa ‘quo warranto’ si Leni Robredo? Malutong na “Oo”. Ano basehan? Paglabag sa batas na maghain sa tamang palugit ng SOCEE – Statement of Contribution and Election Expenses noong kumandidato siya bilang bise presidente. Disqualified kang maka-upo sa katungkulan kung hindi mo ito nagampanan sa takdang panahon.
-Erik Espina