NAHATI ang Korte Suprema sa naging pasya nito laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Tinanggap naman ito ng kapwa nagkahating mamamayan.
Ang desisyon ng Korte ay inaprubahan ng walo sa 14 na hukom— na inihayag na nabigong ihain ni Sereno ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) bilang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas, nang maghain ito ng aplikasyon bilang chief justice. Sinabi ni Solicitor General Jose Calida na isa itong malinaw na pagsuway sa batas at kakulangan ng integridad. At ang pagkakaroon ng integridad ay kailangan bilang miyembro ng hukom na nasa ilalim ng Konstitusyon.
Sa gayon, ituring na hindi kuwalipikado si Sereno sa posisyon bilang punong hukom at napagdesisyunang labag sa batas ang pag-upo bilang isang Punong Mahistrado.
Anim na hukom ang tumutol sa desisyon ng korte. Sinabi ng isa na ang Judicial and bar Council, at hindi Korte Suprema ang dapat na nagdedesisyon sa isyu ng integridad. Ipinunto naman ng isa pa na isang impeachment, at hindi kaso ng quo wrranto ang tamang paraan upang tanggalin ang isang punong mahistrado.
Idineklara ng Korte Suprema ang pasya nito na, “immediately executor without need for further action from the court.” Ngunit nanindigan ang abugado ni Sereno na maghahain ang kampo nito ng mosyon upang muling ikonsidera sa loob ng 15 araw, na nakaayon umano sa Rules of Court.
Tinutukan ng buong bansa ang kaso ni Sereno sa loob ng maraming buwan simula ng ihain ang impeachment complaint laban sa kanya limang buwan na ang nakalilipas. Nagsagawa ng maraming pagdinig sa kaso ang House Committee on Justice ngunit hindi nagawang makapaglabas ng boto ng Kongreso kung ihahain ang kaso sa Senado.
Nag-iwan ito ng maraming kakabit na problema sa isyu—na ang punong mahistrado, tulad ng pangulo, bise presidente, mga miyembro ng Korte Suprema, Constitutional commission at ang Ombudsman ay dapat na alisin sa tanggapan sa pamamagitan ng impeachment. Subalit ang mga salitang ito sa 1943 Constitution—”shall be removed from office” ay naging “may be removed from office” sa Konstitusyon ng 1987, na nagbubukas sa ibang kahulugan ng pagpapaalis.
Dahil dito ay naghain ang solicitor general ng isang kaso ng “quo warranto” laban kay Sereno sa Korte Suprema, kung saan ang ilan sa mga mismong miyembro ay tumestigo kontra sa kanya sa mga naging pagdinig sa Kongreso. Ipinagdiinan ni Sereno na kung ang apat na tumestigo ay nag-inhibit sa kaso ng quo warranto dahil sa pagiging bias nito, dalawa lamang, hindi anim ang hukom na bumoto para siya ay mapatalsik.
Gayunman, sa pag-uulat sa kaso, ilang detalye ang patuloy na lumulutang– kabilang ang paghirang kay Sereno ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III para umano maprotektahan ang interes ng pamilya nito sa kaso ng Hacienda Luisita. Ito ang naghati sa maraming mamamayan sa mga pabor at kontra sa “dilaw” ng partido Liberal.
May kasabihang kung ano ang sinabi ng Korte Suprema ito ang batas. Ang mataas na korte ang siyang huling nagpapasya sa anumang batas o konstitusyonal na isyu at dahil nagpasya na ito sa kaso ni Sereno, tapos na ang kaso— o hanggang sa makahanap muli ng rason ang Korte Suprema na pag-aralan ang kaso.
Ngunit maraming isyu ang kakabit ng kaso ni Sereno- sa legal, konstitusyonal, pulitikal, at maging personal—na naging dahilan ng mamamayan upang pumanig sa isa. Umaasa tayo na makakahanap ang mga pinuno natin ng paraan upang malutas ang kontrobersiyang ito bago pa ito magdulot ng pagkakawatak-watak at kawalan ng kumpiyansa at tiwala sa gobyerno at sa institusyon nito at sa mga opisyal.