May fake na titulo ng lupa. May huwad din na marriage certificate at diploma.

Ngayon pati Dengvaxia card, pinepeke na rin.

Ibinunyag ni Health Secretary Francisco Duque III ang bagong katiwalian sa pagdinig ng House Committee on Appropriations noong Miyerkules.

Ibinibigay ang Dengvaxia cards sa mga batang mag-aaral na naturukan ng dengue vaccine.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nakasaad sa card ang pangalan ng bata, grade level, gender, pangalang ng mga magulang o guardian, contact number, kung ilang beses naturukan ang bata at kung kailan.

“The Dengvaxia cards will be key in monitoring the health status of the vaccinees. It will also facilitate hospitalization and treatment of the card holders as they may be needed,” sambit ni Rep. Karlo Nograles, chairman ng komite.

Mungkahi ni Nograles kay Duque, gumawa ng mahigpit na safeguards kaugnay ng beripikasyon sa Dengvaxia cards.

Nagsimulang ipamahagi ng Department of Health (DoH) ang Dengvaxia cards sa Pampanga Provincial Dengue Summit nitong Enero.

Ayon kay Duque, ang pagkalat ng pekeng Dengvaxia cards ay lalong magpapalalim sa pagdududa sa naturang bakuna.

Itinigil ng DoH ang pagbabakuna laban dengue noong 2017 matapos aminin ng Sanofi Pasteur, ang gumagawa ng Dengvaxia, na maaaring makasama ito sa mga batang hindi pa nagkakasakit ng dengue.

Hindi bababa sa 39 ang mga batang namatay matapos turukan ng Dengvaxia.

-BERT DE GUZMAN