Warriors, gutay sa Rockets; WC Finals, tabla sa 1-1
HOUSTON (AP) — Dadayo sa Oracle Arena ang Houston Rockets na kumpiyansa at buo ang katauhan para sa katuparan ng inaasam na kampeonato.
Mas mabilis, mas may ngitngit at balanse ang atake ng Rockets, sa pangunguna nina James Harden at Eric Gordon, na kumana ng tig-27 puntos para sandigan ang Houston sa dominanteng 127-105 panalo laban sa Golden State Warriors nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Game 2 ng Western Conference finals.
Mula sa dikitang laban sa first quarter, umariba ang Rockets sa double digits at hindi na nakatikim ng hamon sa Warriors sa kabuuan ng laro para makabawi sa tinamong kabiguan sa Game 1 at maitabla ang serye sa 1-1.
Host ang Warriors sa Game 3 sa Linggo (Lunes sa Manila).
“We can beat anybody, anywhere at any time playing the way we play,” pahayag ni coach Mike D’Antoni sa post-game interview.
Nag-ambag si P.J. Tucker ng playoff career-high 22 puntos, habang kumana si Trevor Ariza ng 19 puntos – malayo sa malamyang laro ng dalawa sa opening series.
Nanguna si Kevin Durant sa Golden State sa nakubrang 38 puntos, ngunit dinugo ang opensa ng ‘Splash Brothers’ Stephen Curry at Klay Thompson na nalimitahan sa pinagsamang 24 puntos. Sa Game 1, nagsalansan ang dalawang All-Stars ng pinagsamang 46 puntos.
Muli, nabigo ang Rockets na bakuran si Durant, subalit nagtagumpay sila na mapigilan sina Thompson at Curry na makabutas sa three-point area. Nalimitahan ang dalawa sa pinasamang 3 of 12 sa long distance.
“They were desperate tonight and played like it, and we weren’t and it showed,” pahayag ni Golden State coach Steve Kerr.
Naibaba ng Warriors ang kalamangan ng Rockets sa 11 puntos mula sa free throw, ngunit nakaganti ang Houston sa 11-0, tampok ang three-pointer nina Gordon at Tucker bago nahila ni Harden ang bentahe sa 111-89 may 6:05 sa final period.
“We got outplayed the whole game ... we got it handed to us,” sambit ni Kerr. “You can look at it any way you want ... and parcel it out, but it didn’t matter who we had out there tonight we got beat.”
Tumapos si Curry na may 16 puntos, habang nalimitahan si Thompson sa 3-for-11 para sa walong puntos.