Ni Bert de Guzman
NOONG panahon ni ex-PNoy (ex-Pres. Noynoy Aquino), pinatalsik si ex-SC Chief Justice Renato Corona sa pamamagitan ng impeachment. Ngayong panahon ni Digong (Pres. Rodrigo Roa Duterte), pinatalsik si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.
Nauuso ba ngayon sa Pilipinas ang pagpapatalsik kapag ang isang mataas na opisyal ng isang co-equal branch ng gobyerno ay kontra-pelo o hindi gusto ng Punong Ehekutibo? May mga nagtatanong kung bakit mismong ang Supreme Court ang nagtanggal kay Sereno gayong sa Konstitusyon ay nakasaad na ang tanging makapagtatanggal sa impeachable official ay ang Senado.
Noong panahon ng martial law (diktadurya), pinatalsik si ex-Pres. Ferdinand Marcos sa bisa ng People Power (Edsa 1). Noong panahon ni ex-Pres. Joseph Estrada, tinanggal siya sa Malacañang sa pamamagitan din ng People Power (Edsa 2).
Samakatuwid, dalawang presidente ang pinababa sa puwesto ng mga mamamayan sa tulong ng militar na ayon sa Konstitusyon ay “protector of the country.” Dalawa ring Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang inalis sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment at ng quo warranto petition. Wow, onli in the Pilipins.
Katatapos lang ng Barangay at Sanggunian Kabataan Elections (B&SKE). Tama ang panawagan ng mga Lopez--Manila Rep. Manny Lopez (1st District) at Rep. Carlo Lopez (2nd District) sa mga mamamayan na maging mapagbantay (vigilant) upang maidaos ang malinis at mapayapang halalan.
Para sa dalawang kongresista ng Maynila, hindi lamang sa nakaraang eleksiyon ng barangay at sanggunian dapat maging mapagmatyag ang publiko kundi sa bawat halalan na idaraos sa bansa. Malapit na ang pambansang eleksiyon sa 2019 kaya kailangang higit na maging vigilant ang mga tao upang maihalal ang karapat-dapat na maupo sa Senado, Kamara at sa iba pang mga posisyon.
Iginiit nina Rep. Manny at Rep. Carlo na malaki ang maitutulong ng mga mamamayan sa pagkakaroon ng “fair, honest, clean and peaceful election” kung agad nilang ire-report ang plano o gawain ng tiwaling mga pulitiko at supporters hinggil sa vote-buying, o ano mang uri ng pandaraya at karahasan.
Agad-agad nilang ireport ito sa Comelec at pulisya. Ireport din nila ang paggamit ng mga pulitiko ng apat na G: GOLD, GUNS, GOONS, GARBAGE. Ayon sa dalawang mambabatas, kung talagang ang hangarin ng mga pulitiko o kandidato ay maglingkod sa bayan, dapat ay iwasan nila ang karahasan o kaya ang pagpatay sa kalaban.
Siyanga pala, tungkol sa isyu ng pagpapatalsik kay Sereno, heto ang naging botohan: Ang bumoto pabor sa quo warranto petition ay sina SC Associate Justices Noel Tijam, Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martirez, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo. Ang mga kontra at naniniwalang dapat ay impeachment ay sina SC Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Presbitero Velasco Jr., Mariano del Castillo, Estela Bernabe, Marivic Leonen, at Alfredo Benjamin Caguioa.
Bahala ang taumbayan ang humatol sa inyo kung sa inyong desisyon ay pinanaig lang ang personal na galit at emosyon o ang katwiran ng batas!