SURABAYA (AFP) – Pinasabog ng apat na nakamotorsiklong militante ang kanilang mga sarili sa isang police headquarters sa lungsod ng Surabaya sa Indonesia kahapon, na ikinasugat ng 10 katao, isang araw matapos ang madugong serye ng pambobomba sa mga simbahan.
Isang batang babae na kasama ng grupo ang nakaligtas sa pag-atake, sinabi ng pulisya kasabay ng pagbabago sa inisyal na ulat na dalawang suicide bombers ang sangkot.
‘’There were four perpetrators riding two motorcycles who have been confirmed dead, their identity is still being verified,’’ sinabi ni East Java police spokesman Frans Barung Mangera.
Kabilang sa mga nasugatan ang anim na sibilyan at apat na pulis. Wala pang umaako sa pag-atake.
Nangyari ang pagsabog isang araw matapos anim na miyembro ng isang pamilya, kabilang ang dalawang dalagita, ang nagsagawa ng suicide bombings sa tatlong simbahan sa Surabaya. Umabot sa 14 sibilyan ang namatay sa nasabing pag-atake, na inako ng Islamic State.