Ni Mary Ann Santiago

Habang tinatalakay ng mga mahistrado ang quo warranto sa pagpapatalsik sa puwesto kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, libu-libo namang pabor at kontra sa petisyon ang nangagtipon kahapon sa labas ng Supreme Court (SC) sa Ermita, Maynila.

Maaga pa lamang ay nagtipon na sa lugar ang mga nagnanais na mapatalsik si Sereno, gayundin ang mga tagasuporta ng punong mahistrado, na humihiling na maibasura ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida laban dito.

Ilan sa mga grupong nag-rally pabor kay Sereno ang Coalition for Justice, Akbayan, Taskforce Democracy and Human Rights, at Tindig Pilipinas, habang ang mga kritiko ni Sereno ay pinamumunuan ni Atty. Ferdinand Topacio.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga kritiko ni Sereno, na kinabibilangan ng mga empleyado mismo ng Korte Suprema, ay nangakasuot ng kulay pula habang nakaputi naman ang kanyang mga tagasuporta.

Batay sa datos ng pulisya, nasa 1,600 raliyistang pro-Sereno ang dumalo sa prayer walk na “Jericho March”, habang aabot naman sa 600 ang nag-rally laban kay Sereno sa kaparehong lugar, bandang 11:30 ng umaga.

Magtatanghali nang bumoto ang mga mahistrado ng 8-6 pabor sa pagpapatalsik sa puwesto kay Sereno.