Ni Beth Camia
Nagsama-sama ang mga grupo ng manggagawa upang ipanawagan ang pagpapasara sa mga manpower agency sa bansa kaugnay ng isinusulong na tuluyan nang tuldukan ang “endo” o end-of-contract scheme.
Sa isang forum nitong Martes na dinaluhan ng mga opisyal ng Kilusang Mayo Uno, kabilang sina Sammy Malunes, secretary general; Atty. Luke Espiritu, presidente; at Leody De Guzman (chairman); at nina Atty. Sonny Matula, ng Federation of Free Workers; at Ambrocio “Bong” Palad, ng PALEA, mariin nilang ipinanawagan kay Pangulong Duterte na ipasara na ang mga manpower agency.
Anila, ang pagpapatigil sa nasabing mga operasyon ay makatutulong sa planong tuldukan na nang tuluyan ang endo sa bansa.Para maiparating sa Pangulo ang nasabing apela ay plano ng labor sector na magsanib-puwersa sa paglulunsad ng mga kilos-protesta, at sa pagdudulog ng usapin sa Senado.“Maghahain kami ng matibay na panukala para magkaroon ng security tenure ang mga manggagawa at mawakasan na ang endo,” ani de Guzman.
Matatandaang mismong Labor Day, Mayo 1, nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order na nagbabawal sa illegal contracting at sub-contracting ng mga manggagawa—na mariing kinontra ng mga grupo ng manggagawa.