Ni Bella Gamotea
Nakumpleto na ng United States Agency for International Development (USAID) ang limang taon na P1.9-bilyon Basa Pilipinas project nito na nagpabuti sa literacy at reading comprehension para sa mahigit 1.8 milyong mag-aaral sa Kindergarten hanggang Grade 3.
Katuwang ng USAID ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng proyekto sa walong school division sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Cebu, at Bohol, maging sa mga lungsod ng Mandaue, San Fernando, at Tagbilaran.
Pinalakas ng Basa project ang kakayahan sa pagbabasa ng mahigit 1.8 milyong mag-aaral, sinanay ang mahigit 19,000 guro at punong-guro, at nagbigay ng mahigit siyam na milyong kopya ng teacher guides, storybooks, at iba pang education aids sa 3,000 pampublikong elementary school sa Pilipinas.
Sa kasagsagan ng proyekto, nakita at mas naunawaan ng USAID at DepEd kung paano magtagumpay ang mga mag-aaral sa kanilang pagbabasa sa pamamagitan ng implementasyon ng mga gawain na planong palawakin sa buong bansa.
Kabilang dito ang pilot testing ng USAID sa paggamit ng computer tablets para sa leksiyon sa pagbabasa, at pagsusulong ng fluency at comprehension sa parehong English at Filipino, nang aabot sa 20 porsiyento.