Ni Bella Gamotea

Hindi na nahithit ng lalaking, kabilang sa drugs watchlist, ang binili nitong sigarilyo makaraang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek sa Taguig City, kahapon ng madaling araw. Sugatan naman ang kasama nito.

Agad binawian ng buhay si Jonathan Siera, alyas Kap, 49, ng DoTC Compound, Purok 2A, Barangay New Lower Bicutan ng nasabing lungsod.

Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang kasama niyang si Gleen Esperanza, nasa hustong gulang.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat ng Taguig City Police, naganap ang pamamaril malapit sa isang tindahan sa Magsaysay Street, sa Bgy. Lower Bicutan, dakong 12:37 ng madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad sina Siera at Esperanza sa lugar nang sumulpot ang suspek at malapitang binaril ang mga biktima.

Sa pahayag ng kinakasama ng biktima, hindi nagpabanggit ng pangalan, humingi sa kanya si Siera ng P10 at bumili ng sigarilyo.

Ginising ang ginang ng mga residente nang madiskubreng duguang nakabulagta si Siera sa kalsada.

Ayon sa awtoridad, kapwa sangkot sa ilegal na droga at nasa watchlist sina Siera at Esperanza.