Ni Bella Gamotea

Dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto ng awtoridad sa sumbong ng isang residente sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) sina Dennis Diesca y Ledesma, 45, ng Quirino Extension, South Signal; at Tax Datua y Manalinding, 34, may asawa, ng Bgy. South Signal, Taguig.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), naaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4 ng Taguig City Police ang mga suspek sa President Garcia Street sa South Signal, dakong 1:30 ng umaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Una nang nakatanggap ng sumbong ang PCP-4 kaugnay ng umano’y talamak na bentahan ng ilegal na droga sa lugar, kaya nagkasa ng operasyon ang mga pulis.

Nadatnan ng awtoridad sina Diesca at Datua sa madilim na bahagi ng nasabing kalsada, sinita sila at kinapkapan, hanggang makumpiskahan umano ng ilang pakete ng shabu, kaya inaresto.