Ni Martin A. Sadongdong
Upang masiguro ang seguridad ng mamamayan sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) 2018 sa Mayo 14, magtatalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mga miyembro ng elite Special Action Force (SAF).
Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, isang tropa ng SAF commandos ang itatalaga sa bawat lugar na nakaranas ng matinding karahasan noong nagdaang halalan, katulad ng Abra at Masbate.
Idinagdag ni Albayalde na mas maraming SAF ang ipapadala sa mga lugar na ikinonsederang hotspots, isang linggo bago ang eleksiyon. Kabilang sa mga lugar na ito ang Bulacan, Nueva Ecija, at ilang mga lugar sa Mindanao kabilang ang Basilan, Tawi-Tawi, at Maguindanao.
Una nang sinabi ng PNP na 5,744 lugar ang idineklarang election hotspots.
Simula nang mag-umpisa ang election period noong Abril 14 hanggang nitong Mayo 1, nakapagtala na ng 26 election-related violence at nasa 20 ang namatay. Kabilang dito 12 imcumbent barangay official, kabilang ang kapitan at konsehal, dalawang kumakandidato bilang kapitan at anim na sibilyan.
Samantala, sa isang panayam sa radio, siniguro ni PNP spokesperson Chief Superintendent John Bulalacao na handa na ang PNP para sa darating na halalan.
“All systems go,” ani Bulalacao. “We have a template on how to handle these kinds of situations, templates which are already tried and tested.”
Ibinahagi ni Bulalacao na mahigit 80 porsiyento ng 195,000 miyembro ng PNP ang nakatakdang italaga sa buong bansa para sa halalan.
Ayon kay Bulalacao, “Before the board of election inspectors (BEIs) and other election watch groups are deployed, the Comelec (Commission on Election) will initiate a training. So even our cops will be invited to undergo training.”
“I can assure you that they can easily adapt to the requirements of the situation,” aniya.