Ni Celo Lagmay
KASABAY ng pagsiklab ng kontrobersyal na mga isyu, tumindi rin ang ugong ng mga panawagan hinggil sa pagbibitiw ng ilang miyembro ng Gabinete at iba pang opisyal ng administrasyon. Mismong si Pangulong Duterte ang nag-uutos ng pagre-resign ng mga tiwaling opisyal na balakid sa paglikha ng isang matinong gobyerno. Dangan nga lamang at ang naturang mga opisyal ay kapit-tuko, wika nga, at nangungunyapit sa kani-kanilang mga puwesto.
Ang mga panawagan sa pagbibitiw ay karaniwang nagmumula sa mga kritiko ng administrasyon at sa mismong mga nasasagasaan ng puspusang reporma na isinusulong ng pamahalaan. Subalit kamakailan, si Secretary Menardo Guevarra ng Department of Justice (DoJ) ang halos nanggalaiting nag-utos ng pagbibitiw ng mga Undersecretary at Assistant Secretary sa naturang tanggapan.
Naniniwala ako na ang nasabing utos ay lubhang kailangan upang si Guevarra ay magkaroon ng ganap na kalayaan sa pagpili ng mga tauhan na magiging epektibong katuwang niya sa malinis at marangal na pamamahala. Maaaring hindi ito nangangahulugan ng pagmamaliit sa kakayahan ng pinagbibitiw na mga opisyal. Nagkataon nga lamang at ang karamihan sa nasabing mga opisyal ay mga kaalyado at itinalaga ng hinalinhan niyang opisyal – si Ex-Secretary Vitaliano M. Aguirre II.
Maging si Secretary Alan Peter Cayetano ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay pinagbibitiw rin ng ilang foreign service officers ng nasabing ahensiya. Hindi ko matiyak ang tunay na dahilan ng naturang resignation call; maaaring may kaugnayan ito sa kanyang diplomatic mission na hindi nakatutugon sa paninindigan ng ilang opisyal, lalo na marahil ang isyu na may kaugnayan sa pangangalaga sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Si Secretary Wanda Teo ng Department of Tourism (DoT) ay hindi rin nakaligtas sa mga panawagan tungkol sa kanyang pagbibitiw sa tungkulin. Hindi malayo na ang gayong panawagan ay isinusulong ng mga nasagasaan sa pagpapasara ng Boracay at ng iba pang kontrobersyal na transaksiyon sa kanyang tanggapan.
Kahit na gaano katindi ang mga panawagan sa pagbibitiw ng opisyal ng gobyerno, naniniwala ako na ang Pangulo ang may last say, wika nga; kung sila ay mananatili o tuluyang sisibakin sa puwesto.
Hindi ba ganito ang naging pasiya ng Pangulo sa kapalaran ni National Food Authority (NFA) Chairman Jason Aquino? Ang naturang opisyal ay halos ipagtabuyan ng mga mambabatas at ng iba pang sektor upang magbitiw dahil sa mga kapalpakan at mga katiwalian. Sa ating pagkabigla, si Aquino ay mistulang inampon ng Pangulo.
Ang kapalaran ng mga opisyal ng gobyerno – kapit-tuko man o hindi ang mga ito – ay nakasalalay sa pasiya ng Pangulo.