Ni Annie Abad

MAGSASALPUKAN ang mga pinakamagigiting na boksingero na pambato ng Mindanao sa pag-usad ng Mindanao leg finals ng Philippine Sports Commission (PSC) Pacquiao Cup na gaganapin sa Almendra Gym sa Davao.

Kasabay nito, hinikayat ni PSC chairman William “Butch” Ramirez ang mga kabataang kalahok na pagsumikapan na makamit ang kanilang mithiin na magwagi sa nasabing kompetisyon at ipakilala ang kanilang husay bilang susunod na Manny Pacquiao.

“The PSC-Pacquiao Cup is an excellent starting ground for future boxers who will represent the country in the coming years,” pahayag ni Ramirez.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Tampok ang 20 batang boksingero, kung saan siyam dito ay mula sa Cagayan de Oro City na pangungunahan nina Mark Lester Durens para sa lightflyweight at si Kim Bryan Cabrillos para sa light abntanweight ang siyang magpapakitang gilas ngayon sa nasabing kompetisyon.

Makakatunggali ni Durens si Rey John Paul Apale ng Digos City para sa lightflyweight 48 kg samantalang sasabak naman sa bakbakan si Cabrillos kontra sa pambato pa rin ng Digos na si Almar Rigor sa 52 kg.

Ang iba pang kalahok ay magmumula sa Sultan Kudarat at Digos, tatlo sa GenSan, Kidapawan at Malungon habang tig dalawang boksingero naman buhat sa Koronadal at Polomolok.