Ngayong Linggo, Abril 5, ginugunita ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo, o “Easter Sunday” sa wikang Ingles.
Sa araw na ito, kinikilala ang muling pagkabuhay ni Hesus, matapos ang paghihirap at pagkamatay Niya sa Krus ng Kalbaryo.
Ngunit kapansin-pansin ba ang tila paiba-iba nitong petsa kada taon? Hindi tulad ng kapanganakan ni Hesus, na ipinagdiriwang at inaalala tuwing papatak ang Disyembre 25.
Ano ang depinisyon at kahulugan ng Easter?
Ang Easter Sunday ay ang araw kung saan inaalala ang muling pagkabuhay ni Hesukristo, na siyang madalas na pumapatak tuwing araw ng Linggo.
Ito ay ang huling araw ng Mahal na Araw, isang linggo matapos ang Linggo ng Palaspas.
Sa usaping ito, ang araw lamang ang hindi nababago sa Linggo ng Pagkabuhay, ngunit taon-taon, naiiba ang petsa nito, sapagkat isa itong “moveable feast.”
Bakit nga ba ito naiiba?
Malaki ang ginagampanan ng siyensya sa pagdedeklara ng Easter Sunday taon-taon.
Ayon sa mga tala, ang Easter Sunday ay naidedeklara gamit ang konsepto ng “spring equinox” at “full moon,” at ito ang talagang dahilan kung bakit nag-iiba ang petsa ng Easter Sunday kada taon.
Paano naaapektuhan ng “spring equinox” at “full moon” ang petsa ng Linggo ng Pagkabuhay?
Ayon sa mga artikulo, ang “spring equinox” ay kadalasang tumatapat tuwing Marso 20 o 21.
Ngayong taon, tumapat noong Marso 20 ang spring equinox.
Sa araw na ito, magsisimula na ang “astronomical spring” sa “Northern Hemisphere” ng daigdig.
Matapos sumapit ito, kailangan na lamang hintayin ang pagdating ng unang “full moon” matapos ang nasabing petsa, na tinatawag na “Paschal Full Moon.”
Ngayong 2026, pumatak ang unang full moon matapos ang spring equinox noong Abril 1.
Matapos sumapit ang unang full moon pagtapos ng spring equinox, ang unang Linggo na darating ay ang maituturing na Easter Sunday.
Ngayong taon, dahil tumapat ang spring equinox noong Marso 20, at Abril 1 naman ang unang full moon, ang unang Linggo matapos ang mga ito ay ang Abril 5, na siya ngang petsa ng Easter Sunday ngayong 2026.
Samakatuwid, ang Easter Sunday ay maglalaro lamang sa mga petsa sa pagitan ng Marso 22 at Abril 25.
Para sa taong 2027, papatak ang Easter Sunday sa Marso 28.