HOUSTON (AP) — Tila may problema sa Houston.
Ang inaasahang dominasyon ng No.1 NBA team ay nabahiran ang alinlangan nang pasabugin ng Utah Jazz ang Rockets, 116-108, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Game 2 ng Western Conference semifinals.
Ratsada si Joe Ingles sa nakubrang career-high 27 puntos para sandigan ang Jazz sa matikas na opensa sa final period tungo sa panalo at maitabla ang serye sa 1-1.
Tinampukan ni Ingles ang kabayanihan sa career-best pitong 3-pointer, habang kumana si star rookie Donovan Mitchell ng 17 puntos at 11 assists.
Naghahabol ang Jazz may walong minuto ang nalalabi sa laro nang kumawala ang opensa para sa 16-2 run at hindi na bumitaw sa bentahe. Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes (Sabado sa Manila) sa Utah.
Taliwas sa kanilang porma sa Game 1 kung saan naghabol ang Utah sa 25 puntos sa halftime tungo sa 110- 96 kabiguan sa series opener, maagang umabante ang Jazz sa pinakamalaking 19 puntos sa first half.
Naagaw ng Houston ang momentum sa third quarter, ngunit nabigo silang makasabay sa bilis ng Jazz sa final period.
Kumubra si James Harden ng 32 puntos at 11 assists sa Houston, habang tumipa si Chris Paul ng 23 puntos.