OAKLAND, California (AP) — Tila hindi napahinga sa injury si Stephen Curry.
Sa kanyang pagbabalik aksiyon mula sa anim na linggong pahinga bunsod ng injury sa tuhod, nagsalansan ang two-time MVP ng 28 puntos para pangunahan ang Golden State Warriors sa pagsupil sa New Orleans Pelicans, 121-116, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) para sa 2-0 bentahe sa kanilang Western Conference semifinals.
Hataw din si Kevin Durant sa naitumpok na 29 puntos, pitong assists at anim na rebounds para mahila ang marka ng Golden State sa franchise-record 14th consecutive postseason victory sa Oracle Arena. Nag-ambag si Draymond Green ng 20 puntos, 12 assists at siyam na rebounds.
Nanguna si Anthony Davis sa Pelicans sa naiskor na 25 puntos at 15 rebounds, habang kumubra si Jrue Holiday ng 24 puntos, walong rebounds at walong assists at kumana si Rajon Rondo ng 22 puntos at 12 assists.
Gaganapin ang Game 3 ng best-of-seven series sa New Orleans sa Biyernes (Sabado sa Manila).
Tumiap si Curry ng 8 for 15 tampok ang limang three-pointers at humugot ng pitong rebounds.
CAVS 113, RAPTORS 112
Sa Toronto, natigagal ang home crowd nang maagaw ng Cleveland Cavaliers ang panalo sa dikitang laro laban sa Raptors sa overtime sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference semifinals.
Nagawang makontol ng top-seed Toronto ang momentum tangan ang 33-19 bentahe sa first quarter, ngunit nagawang makabalikwas ng Cavaliers tungo sa come-from-behind win.
Naisalpak ni LeBron James ang jumper para maitabla ang iskor sa 105 sa regulation. Sa overtime, tangan ng Cavs ang isang puntos na bentahe may 16 segundo ang nalalabi, ngunit nabigo ang Raptors na makamit ang panalo mula sa hawak na bentahe.
Tumapos si James na may 26 puntos, 13 assists at 11 rebounds, habang kumana si JR Smith ng 20 puntos.
Nakatakda ang Game Two sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Toronto.
Nag-ambag si Tristan Thompson ng 14 puntos at 12 rebounds, habang tumipia sina Jeff Green at Kevin Love ng 16 at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.
Kumubra si Jonas Valanciunas ng 21 puntos at 21 rebounds, habang umiskor sina DeMar DeRozan at Kyle Lowry ng 22 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.