Ni Manny Villar

SINO nga ba ang hindi humahanga sa mga tulay – iba’t iba ang hugis, sukat at haba. Naaalala ko ang magagandang tulay na nagdurugtong sa magkabilang pampang ng Seine River sa Paris, at ang mga tila nakalutang sa hangin, gaya ng Golden Gate Bridge, Sydney Harbor Bridge, at ang Brooklyn Bridge.

Sa Pilipinas, ipinagmamalaki natin ang San Juanico Bridge, ang pinakamahaba sa bansa na tumatawid ng mahigit 2,000 kilometro sa San Juanico Strait. Nasa mababang grado pa lamang ako nang makita ko ng larawan ng nasabing tulay sa mga aklat at postcard.

Bilang isang Manileño, kaakit-akit sa akin ang mga tulay na tumatawid sa Ilog Pasig, gaya ng makasaysayang Quezon Bridge na nagdurugtong sa Quiapo at Ermita, na sa ilalim ay matatagpuan ang maraming tindahan ng handicraft na yari sa Capiz, banig at iba pang souvenir. Simple man ang Del Pan Bridge, natutugunan nito ang pagdurugtong sa North Harbor at Tondo sa iba pang bahagi ng Maynila.

Matatagpuan din sa Maynila ang Jones Bridge, Ayala Bridge, Lambingan Bridge, at Nagtahan Bridge, na nagdaragdag sa kagandahan at kasaysayan ng lungsod. Sana nga ay mapanatili ang kanilang kagandahan.

Bumalik sa aking alaala ang mga tulay nang mabasa ko ang isang artikulo ukol sa plano ng pamahalaan na magtayo ng walong malalaking tulay na magdurugtong sa mga isla sa Visayas sa Luzon at Mindanao.

Ayon sa artikulo, ipinahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez na gugugol ng P270 bilyon sa mga nasabing tulay, na bahagi ng programa ng administrasyong Duterte na isulong ang “gintong panahon ng imprastraktura sa bansa.”

Kabilang sa mga itatayong tulay ang 18.2-kilometrong tulay na mag-uugnay sa Luzon at mga isla sa Samar, ang 20-kilometrong tulay sa pagitan ng Leyte at Mindanao, ang 12.3-kilometrong tulay sa pagitan ng Negros at Guimaras, at ang 5.7-kilometrong tulay sa pagitan ng Panay at Guimaras.

Ang pagtatayo ng mga tulay ay susuportahan ng paggawa ng mga kalsada ng Department of Public Works and Highways upang matiyak na walang isa sa mga pangunahing isla sa Visayas at Mindanao ang maiiwan sa karera ng bansa tungo sa kaunlaran.

Inaasahan ko na matutupad ang mga proyektong ito, na makapagpapasigla sa pagpapaunlad ng mga lalawigan at ng industriya ng turismo, gaya ng makabagong sistema ng riles.

Bukod sa kanilang layunin, inaasahan ko rin na magiging maganda ang mga itatayong tulay upang makapagdagdag sa kagandahan at kasaysayan ng ating bayan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)