Nina Bert de Guzman at Charissa Luci-Atienza

Kung hindi magkakaloob ng refund ang Grab dahil sa paniningil nito ng P2 bawat minuto sa mga pasahero, nagbanta ang isang kongresista na kakasuhan ng large-scale estafa at syndicated estafa ang ride-hailing company.

Nagbabala si Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles na ilegal ang paniningil ng Grab ng P2 bawat minuto.

Una nang tinaya ng kongresista na aabot sa P3.24 bilyon ang ilegal na nakolekta ng Grab sa mga pasahero nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kasunod ng pagbubunyag ni Nograles, inamin ng Grab na sumingil ito ng P2 kada minuto sa mga pasahero nito simula noong Hunyo 2017.

Nagbabala rin ang kongresista sa Grab na ang anumang ipapataw dito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay hindi nito dapat ipasa sa mga pasahero.

Ang parusa ng LTFRB ay maaaring refund o kaya ay libreng sakay sa mga pasahero.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte sa LTFRB para tuldukan, hindi lang ang mataas na singil ng Grab, kundi maging ang dumadaming reklamo tungkol sa umano’y biglaang pagkakansela nito ng booking.

“Many of them (pasahero) have complained that they were made to wait for a long time by drivers, only to have their rides cancelled. This is highly unprofessional behavior that Grab should not tolerate,” ani Villafuerte, vice chairman ng House Committee on Appropriations and Local Government.

Dahil dito, iginiit ni Villafuerte sa LTFRB na bilisan ang pag-apruba sa mga aplikasyon ng iba pang transport network companies (TNC)—ang Lag Go, Owto, at Pira—upang maobliga ang Grab na ayusin ang serbisyo nito, ilang araw makaraang aprubahan na ng ahensiya ang aplikasyon ng Hype.