Ni Celo Lagmay
HINDI ko ikinabigla ang pagbalasa ng mga tauhan ng Duterte administration. Kailangang isagawa ang paglilipat-lipat ng mga opisyal upang matiyak kung saang posisyon o tanggapan sila angkop upang sila ay lalong maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod.
Taliwas ito sa pagsibak o tuluyang pagtanggal sa puwesto ng mga opisyal na karaniwang ipinatutupad ni Pangulong Duterte, lalo na kung ang naturang mga tauhan ay nasasangkot sa mga katiwalian. Walang sinisino ang Pangulo kailanman at ang gayong tiwaling mga pinuno ay nagiging hadlang sa paglikha ng malinis at tapat na gobyerno; kahit na ang nasabing mga lingkod ng bayan ay masyadong malapit sa kanyang puso.
Natitiyak ko na ganito rin ang estratehiya na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP). Halimbawa, nagtalaga na si Gen. Oscar Albayalde – ang bagong PNP Director General – ng kanyang kahalili bilang Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO); pinalitan na rin niya ang Quezon City Police Director.
Dapat lamang asahan ang gayong pagbalasa ng mga tauhan ng PNP, lalo na ngayon na kailangang lalong paigtingin ang kampanya laban sa illegal drugs at iba pang krimen. Ang PNP ang may makatuturang misyon sa pangangalaga ng kaligtasan ng mga mamamayan laban sa mga karahasan na inihahasik ng mga kriminal sa mga komunidad.
At lalong dapat asahan ng sambayanan ang walang kinikilingang pagsibak ni Albayalde sa mga bugok na itlog, wika nga, sa hanay ng mga pulis; lalo na ang tinatawag na mga ninja cops – ang mga pulis na hindi lamang nalululong sa mga bawal na droga kundi nagbebenta pa ng mga gamot na nakukumpiska nila sa mga users, pushers at druglords.
Naniniwala ako na hindi lamang ipagkikibit-balikat ng binabalasang mga pulis ang sistemang ipinatutupad ni Albayalde. Ibig sabihin, hindi nila ito magugustuhan lalo na kung sila ay aalisin sa posisyong matagal na nilang pinaghaharian at pinagkakakitaan.
Biglang gumitaw sa aking utak ang isang matinding pagbalasa na ipinatupad sa pinaglilingkuran kong pahayagan noong ako ay aktibo pa sa pamamahayag. Sadya kong ililihim ang peryodiko at mga editor na naglunsad ng naturang pagbalasa sapagkat ang karamihan sa kanila, pati ang mga binalasa, ay sinundo na ni Lord, wika nga.
Isang Bureau of Customs (BoC) reporter ang inilipat sa police beat, ang Senate reporter ay inilipat sa Department of Health (DoH), ang Malacañang reporter ay itinalaga sa editorial desk. Ang iba pang major beat ay inilipat sa minor beat. Resulta: Napilitang mag-resign ang mga binalasang reporters.
Ganito rin kaya ang magiging epekto ng pagbalasa hindi lamang sa PNP kundi, higit sa lahat, sa Duterte Cabinet?