SAN ANTONIO (AP) — Nakiramay ang Warriors sa pagluluksa ng San Antonio sa pagpanaw ng maybahay ni Spurs hall-of-fame coach Greg Popovic.
Ngunit, hindi naging mapagbigay ang Golden States, sa pangunguna ni Kevin Durant na kumana ng 26 puntos, siyam na rebounds at anim na assists, para sndigan ang Warriors sa 110-97 panalo kontra Spurs nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Nakatakdang walisin ng Golden State ang San Antonio sa panalo sa Game 4 sa Linggo.
“We are all hurting,” pahayag ni Spurs veteran Manu Ginobili. “We want to be next to Pop, we want to support him, but we’ve got to go out there and compete today. But, for sure, we are toiling. It’s not an easy day to be here.”
Nanguna sa Spurs si LaMarcus Aldridge na nakubrang 18 puntos.
PELICANS 119, BLAZERS 102
Sa New Orleans, naitala ni Nikola Mirotic ang career playoff-best 30 puntos sa panalo ng Pelicans kontra Portland Trail Blazers para sa 3-0 bentahe sa kanilang Western Conference first-round playoff series.
Hataw din si Anthony Davis sa naiskor na 28 puntos, 11 rebounds, tatlong steals at dalawang blocks bago ipinahinga bunsod ng masamang bagsak sa rebound sa kalagitnaan ng final period.
SIXERS 128, HEAT 108
Sa Miami, nagbalik aksiyon si Joel Embiid at tumipa ng 23 puntos para sandigan ang Philadelphia 76ers laban sa Heat para sa 2-1 bentahe sa kanilang Eastern Conference first-round series.
Kumubra sina Marco Belinelli at Dario Saric ng tig-21 puntos, habang nag-ambag si top rookie Ben Simmons ng 19 puntos, 12 rebounds at pitong assists.
Nanguna si Goran Dragic sa Miami na may 23 puntos.