Ni Johnny Dayang

MARAHIL ay hindi kailanman inasahan ng mga taga-Maláy, Aklan, kung saan bahagi ang sikat na Boracay ‘world-class tourist destination’, ang kasalukuyan nilang kalbaryo nang kanilang ibuhos ang buo nilang suporta kay Pangulong Rodrigo Duterte sa halalan noong 2016.

Ang sumasalo sa krus ng Boracay ay si Mayor Ciceron Cawaling, ang kasalukuyang alkalde ng Maláy, gayong hindi naman naging “cesspool” o imburnal ang isla sa panahon ng kanyang panunungkulan. Ang mga naunang mayor sa kanya ang dapat panagutin sa mga problema ng isla.

Hindi rin si Mayor Cawaling ang responsable sa pagkaantala sa pagtatayo ng mahusay at mabisang sewerage system sa Boracay; pananagutan ito ng Boracay Island Water Company, Inc. (ng Ayala Group) at ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na dating Philippine Tourism Authority.

Nitong nakaraan, hindi nabanggit ang papel ni Mayor Cawaling sa planadong pagsasara ng isla, bagamat abala sila sa pagtugon sa mga problema at ang paghahanda sa resources ng Maláy para sa anumang pangangailangang lilitaw.

Totohanan ang pagkabahala ni Mayor Cawaling sa mga problemang kinakaharap ng mga mawawalan ng hanapbuhay. Tutol siya sa planong ideklara ang state of calamity sa isla, ngunit minabuti niyang magtiwala sa kapasiyahan ng pamahalaang nasyunal, at lantaran niyang hinihimok ang mga taga-Malay na makipagtulungan sa mga plano at direksiyon ng Pangulo.

Higit pa sa simpleng rehabilitasyon ang “pagsagip” sa Boracay. Para sa mga taga-Maláy, dapat mas malaking papel ang gampanan ng kanilang Mayor sa pagpapanumbalik ng kislap ng Boracay sapagkat taglay niya ang mas malawak na kaalaman at pagpapahalaga sa kung ano ang kahihinatnan ng kanilang hinaharap.

Lalong nakalilito sa publiko ang magkakasalungat na pahayag ng mga pambansang ahensiya at Malacañang tungkol sa planong rehabilitasyon ng Boracay. At kung ang layunin ng rehabilitasyon ay papanumbalikin ang dating kaayusan ng isla, bakit naman kailangang parusahan ang Maláy?

Sa ilalim ng prinsipyo ng mahusay na pamahalaang lokal, hindi dapat balewalain ang papel ng alkalde sa programang restorasyon ng Boracay, dahil taglay niya ang mahahalagang impormasyon tungkol sa kanyang bayan. Mabisa rin niyang maipaliliwanag sa kanyang mga kababayan ang programa para lalo nilang maunawaan at mapahalagahan ang mga inisyatiba ng Malacañang.

Dapat bahagi si Mayor Cawaling sa buong proseso ng rehabilitasyon ng Boracay mula sa unang araw nito.

Bukas, panauhin si Mayor Cawaling sa lingguhang Kapihan sa Aklan, isang magkatuwang na programa ng Federation of Provincial Press Clubs of the Philippines at Publishers Association of the Philippines, Inc.