4 na bagong marka, naitala sa 2018 Palarong Pambansa

Ni ANNIE ABAD

VIGAN, Ilocos Sur — Taga-Luzon ang unang atleta na nagwagi ng gintong medalya. Batang Western Visayas naman sa katauhan ni Katherine Quitoy ang unang record-breaker sa 2018 Palarong Pambansa dito.

BUONG puwersa ang birada ni Zoilo Reyes ng MIMAROPA para makuha ang gintong medalya sa boys javelin throw ng Palarong Pambansa, habang sinisipat ng mga kalahok ang target sa secondary archery (kaliwa) sa Elpidio Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur. (RIO DELUVIO)

BUONG puwersa ang birada ni Zoilo Reyes ng MIMAROPA para makuha ang gintong medalya sa boys javelin throw ng Palarong Pambansa, habang sinisipat ng mga kalahok ang target sa secondary archery (kaliwa) sa Elpidio Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur. (RIO DELUVIO)

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naibato ng 17-anyos mula sa Romanito P. Maravilla National High School sa Bacolod City ang javelin sa layong 45 metro para mabura ang dating marka na 42.85 metro sa secondary girls (42.85 meters) na naitala ni Sylvian Faith Abunda ng Northern Mindanao sa nakalipas na edisyon.

Nakamit ni Quitoy ang silver medal sa nakalipas na taon sa Antique.

Sa secondary boys, naibigay ni Christian Ampong ang unang gintong medalya sa National Capital Region nang pagbidahan ang javelin throw sa layong 58.51 meters.

Ginapi ni Ampong si John Paul Sarmineto ng Mimaropa (53.87 meters).

Ginapi naman ng NCR, sa pangunguna ni Batang Gilas mainstay Terrence Fortea at Carl Tamayo ang Eastern Visayas, 86-51, sa pagsisimula ng secondary boys basketball.

Nagwagi ang Mimaropa kontra Bicol Region, 85- 76, habang namayani ang Central Luzon sa Sockargen, 99-96, habang nagwagi ang Cagayan Valley kontra Western Visayas, 68-63.

Humakot naman ng apat na ginto ang pambato ng SOCCSKSARGEN region sa Arnis na si Princess Sheryl Valdez matapos nitong manguna sa apat na events kahapon sa ikalawang araw ng aksiyon sa President Elpidio Quirino Stadium dito.

Unang nasikwat ni Valdez ang ginto sa Anyo event single weapon elementary girls, kung saan pumuntos ito ng 29.10 buhat sa mga hurado at pinataob ang pambato ng Cordillera Administrative Region (CAR) na si Izy Zeryll Pobletin na nagtala lamang ng 28.9/48.10 para sa silver habang nakakuha naman ni Justime Trizianne Quilalan ng Bicol region

ang bronze (28.9/48.00).

Kasunod nito, hinablot din ni Valdez ang ginto sa Anyo event double weapon matapos nitong itala ang 28.90 putos kontra sa mga nakalabang pambato ng NCR at ng Region IV-A.

Muling namayagpag ang incoming Grade 6 student ng New Isabela Central Elementary School sa Anyo Individual Single Espada event nang itala ang 29.10 para sa ginto at biguin ang mga kalaban na sina sina Quilalan ng Bicol Region at Melody Legaspi ng Region IV-A.

Hindi pa nakuntento ang 11-anyos na si Valdez nang muling kumuha ng ginto sa Anyo Team event kasama sina Maria Verinica Ilagan at Stephanie Mones at magsanib puwersa na itala ang iskor na 29.00 kontra sa Bicol Region at Region IV-A.

“Hindi ko po iniexpect. Sobrang blessings po itong nakuha ko ngayon. Para po ito sa mga magulang ko at sa ate ko,” pahayag ni Valdez, tubong Tacurong City.

Tatlong gintong medalya ang naitala ni Valdez noong 2017 Palarong Pambansa sa Antique at posibleng mahigitan pa nito ang kasalukuyang apat na ginto na kanyang nakuha gayung may mga nakahanay pa siyang laban.

Sa ibang resulta ng Arnis, nanguna sa secondary girls Anyo single weapon event si Hacel Mar Solis ng region IV-A, habang sa secondary boys naman ay namayagpag si Gerard Jesus Cantar ng Northern Mindanao Region.

Sa athletics, binasag rin ni Francis James San Gabriel ng Ilocos Region ang 2017 Palaro record ni Bryan Oxales ng NCR na 10:11.3 sa secondary boys 2000m walk matapos nitong itala ang 9:33.01.

Si San Gabriel na tubong Umingan, Pangasinan ay pumuwesto lamang ng ikaanim sa 2017 Palarong Pambansa at hindi umano niya inaasahan na maalapasan niya ang nasabing record na naitala ng kanyang nakalaban na si Oxales.

“Akala ko nga po matatalo niya ako e buti na lang po nanalo pa rin ako pero masayang masaya po ako, kasi ito po ang last year ko sa Palaro, magandang regalo po ito sa mga magulang ko at sa lola ko at sa kapatid ko po,” pahayag ng 17-anyos na si San Gabriel.

Nakuha naman ni Oxales ang silver sa nasabing event bagama’t nabasag niya ang kanyang sariling record dito sa kanyang naitalang 9:33.15 habang si Peter Lachica naman ng SOCCSKSARGEN Region ang bronze sa kanyang 9:56.52.

Sa shot put, isang labing anim na taong rekord ang binasag ng pambato ng NCR sa na si Kasandra Hazel Alcantara matapos

nitong sirain ang lumang rekord ni Marites Barrios na 11.20 meter sa kanyang naitalang 11.88 meters.

Binigo ni Alcantara ang pambato ng ng Western Visayas Region na si Jamela de Asis (11.29 meters) at Mary Jean Maloloy-on ng Bicol region.

Naibulsa naman ng pambato ng Western Visayas Region na si Trexie de la Torre ang ginto sa long jump secondary girls sa kanyang naitalang 5.54 meters.

Patuloy naman ang pagsira ng rekord ng mga kabataang atleta sa nasabing kompetisyon, kung saan binasag din ni Phoebe Nicole Amistoso ang 2017 Palaro record ni Charmaine Angela Villamor sa Archery.

Nilampasan ng pambato ng Region 8 na si Amistoso ang dating rekord ni Villamor na 318 sa 40 meter Distance Secondary Girls, matapos nitong ilagay ang 326 sa talaan para kunin ang gold medal sa nasabing event.