Ni Marivic Awitan

INANGKIN ng National University at season host Far Eastern University ang top two spots na may kaakibat na twice-to-beat incentives papasok ng Final Four round matapos manaig sa kani-kanilang katunggali kahapon sa pagtatapos ng elimination round kahapon ng UAAP Season 80 volleyball tournament men’s division sa MOA Arena sa Pasay.

Kapwa nagwagi ang Bulldogs at Tamaraws sa loob ng apat na sets, ang una kontra defending champion Ateneo de Manila University, 25-21, 21-25, 25-23, 25-19 at ang huli laban sa De La Salle University, 23-25, 25-16, 28-26, 25-20.

Dahil sa panalo, nagtapos ang dalawang koponan na may markang 12-2, panalo-talo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bumagsak naman ang Blue Eagles na pinamunuan ni Marvk Espejo na may 23-puntos, sa ikatlong puwesto taglay ang barahang 11-3 habang ganap namang nalaglag ang Green Spikers sa labanan para sa huling Final Four berth makaraang bumaba sa barahang 5-9.

Pinamunuan ni Bryan Bagunas ang kanilang ginawang pagbawi sa first round tormentor Ateneo sa itinala nitong 19- puntos kasunod sina Kim Malabunga at Madzlan Gampong na parehas tumapos na may 13-puntos.

Sinamantala naman ng Tamaraws ang 35 errors ng De La Salle upang maangkin ang tagumpay sa pangunguna ni JP Bugaoan na umiskor ng 15 puntos at Richard Solis na may 13-puntos.