Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Inihayag kahapon ng Malacañang na posibleng lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinangako nitong Executive Order (EO) laban sa contractualization ng mga manggagawa bago o sa mismong araw ng Labor Day sa Mayo 1 ngayong taon.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng pagkakansela ng nakatakdang pulong kahapon ni Duterte sa mga grupo ng manggagawa, bago sana lagdaan ang pinakaaasam na EO.
Ayon kay Roque, posibleng hindi pa naisapinal ang EO kaya ipinagpaliban muna ang paglagda rito.
“I can only surmise that the final version of the EO has not been agreed upon by both labor management and government. It’s a tripartite document which has to be agreed upon. Possibly, they don’t have a final version yet,” sinabi kahapon ni Roque sa press briefing sa Palasyo.
Gayunman, tiniyak ni Roque na handa ang Pangulo na pagbigyan ang hiling ng labor sector na magpalabas ito ng EO, idinagdag na isa ito sa mga ipinangako ng Presidente noong nangangampanya pa lamang dalawang taon na ang nakalipas.
Kasabay nito, tiniyak ni Roque sa mga manggagawa na papabor sa kanila ang lalagdaang EO.
“I know that the President is rather restive about this EO. He has mentioned this to me personally that this is a campaign promise that he wants to deliver to the people very soon,” sabi ni Roque. “I would suppose because it is a promise given by the President to labor groups that it would be an EO that will side with the labor forces.”
“The President wants this as soon as possible. We all know that Labor Day is May 1 so I would think that it will come out on or before May 1,” dagdag pa ni Roque.
Una nang tiniyak ng Malacañang na hindi nakalilimutan ng Pangulo ang ipinangako nitong tutuldukan na ang “endo” o end of contract ng mga manggagawa, bagamat aminadong hindi ganap na maipagbabawal ang contractualization sa bansa sa pamamagitan lamang ng isang EO.
Paliwanag noon ni dating Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, na ngayon ay kalihim na ng Department of Justice (DoJ), kailangan ng isang pinagtibay na batas upang maamyendahan ang labor code na nagpapahintulot sa contractualization.