Ni Beth Camia
Iimbestigahan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang umano’y hindi magandang inasal ni Atty. Larry Gadon sa mga tagasuporta ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Baguio City, na nag-viral sa social media.
Ito ay matapos na makuhanan sa video ang pagmumura at pagsenyas ni Gadon ng “dirty finger” sa mga tagasuporta ng Punong Mahistrado kamakailan.
Binigyang-diin ni IBP Executive Vice President, Atty. Egon Cayosa, na aalamin nila kung may liability si Gadon sa ginawa nito kung may maghahain ng reklamo laban sa abogado.
Aniya, ipadadala ng IBP sa Korte Suprema ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon upang mabigyan ito ng aksiyon.
Payo ng IBP kay Gadon, dapat siyang maging maingat sa kanyang naging hakbangin lalo’t bilang abogado ay dapat na pinapanatili at itinataguyod niya ang integridad ng kanilang propesyon.
Iginiit din nito na mali ang ginawa ni Gadon sa ilalim ng professional ethics.
Si Gadon ang naghain ng impeachment complaint sa Kamara laban kay Sereno.