Ni Celo Lagmay
KASABAY ng pagtukoy sa mga ‘hot spots’ – mga lugar na mainit at kung minsan ay madugo ang halalan – kasabay ring umugong ang mga panawagan hinggil sa pagdaraos nang maayos at tahimik na Baranggay at Sangguniang Kabataan (SK) polls sa susunod na buwan. Gusto kong maniwala na ang nabanggit na mga ‘hot spots’ ay lalo pang mag-iinit dahil sa pakikialam ng mga pulitiko, taliwas sa paniniwala na ang naturang halalan ay non-partisan o walang bahid ng pulitika.
Natitiyak ko na ito ang dahilan kung bakit mismong Malacañang ang laging nagbibigay-diin sa kahalagahan ng tinatawag na HOPE -- Honest, Orderly and Peaceful Elections. Ang mga eleksiyon ay maituturing na sagrado at hindi dapat mabahiran ng dayaan at iba pang hindi kanais-nais na mga pangyayari na humahantong sa malagim na wakas.
Sa aking pagkakaalam, maging ang tanggapan ni Vice President Leni Robredo ay nananawagan din sa pagdaraos ng mapayapang eleksiyon. Kaakibat ito ng kanyang naunang paninindigan na hindi dapat ipagpaliban ang halalan ng mga lider ng baranggay sa matuwid na ito ay bahagi ng isang malusog na demokrasya.
Naniniwala ako na maging ang mga opisyal ng local government units (LGUs) -- gobernador, mayor at iba pa -- ay nagkakaisa rin ng panawagan tungkol sa maayos at makatuwirang pagpili ng mga opisyal ng baranggay. Si Nueva Ecija Governor Cherie D. Umali, halimbawa, ay umaasa na magiging matahimik ang halalan ng mga baranggay officials sa aming lalawigan. Ang naturang pananaw ay ipinahiwatig niya sa pamamagitan ni Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis, tumatayo ring tagapagsalita ng gobernador.
Dapat lamang asahan na ang gayong paninindigan ni Gov. Umali ay kakatigan ng mga alkalde at iba pang opisyal sa aming lalawigan. Tungkulin nila -- at ng bawat isa -- na tiyaking maayos at tahimik ang pagpili ng mga mamamayan ng kani-kanilang mga baranggay leaders sa paraang walang bahid ng mga alingasngas at ng iba pang nakakikilabot na gawaing pampulitika.
Biglang sumagi sa aking utak ang karumal-dumal na pagpaslang sa aking bunsong kapatid -- si Mayor Rogelio Lagmay ng Zaragosa, Nueva Ecija. Siya, kasama ang tatlong iba pa, ay sabay-sabay na pinatay sa munisipyo ng aming bayan, mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas. Ang naturang ‘noon-time massacre’ ay bahagi na lamang ng malagim na kasaysayang pampulitika ng aming lalawigan.
Ang makabuluhang panawagan ng Malacañang, ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo at ng LGUs na tulad ni Gov. Umali hinggil sa maayos at tahimik na baranggay polls ay marapat pahalagahan ng lahat upang maiwasan, hanggat maari, ang pagdanak ng dugo.