Ni Mary Ann Santiago
Dinakma ng awtoridad ang magkapatid, na kababatak lang umano ng marijuana, matapos matiyempuhang armado ng sumpak at balisong at makumpiskahan ng ilegal na droga sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kasalukuyang naghihimas ng rehas sa Manila Police District (MPD)- Station 2 ang mga suspek na sina Herminio Hogan, 26, miyembro ng “Commando” gang; at Harris Hogan, 20, tricycle driver, kapwa residente ng 1398 Antonio Rivera Street, Tondo.
Sa imbestigasyon ni PO3 Lalaine Almosa, inaresto ang mga suspek sa La Torre St., malapit sa kanto ng Guerrero St., sa Tondo, dakong 7:40 ng gabi.
Una rito, nakatanggap ng tawag ang Padre Algue Police Community Precinct (PCP) tungkol sa dalawang lalaking amoy marijuana at may bitbit umanong sumpak sa naturang lugar.
Mabilis na nagtungo sa lugar ang mga beat patroller na sina PO3 Jovelito Lavarias, PO1 Medel Biluan at PO1 Raymon Reyes upang beripikahin ang sumbong.
Nilapitan ng mga pulis ang mga suspek at napansin sila ni Herminio, na may hawak na sumpak, at sumigaw ng, “Pulis! Takbo!”
Hinabol ng awtroidad ang magkapatid at nakorner ang mga ito.
Narekober sa mga suspek ang isang sumpak, na may dalawang 12 gauge live ammunition, isang balisong, drug paraphernalia, dalawang pakete ng pinatuyong marijuana, at isang pakete ng umano’y shabu.
Sasampahan ang magkapatid ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10951 (illegal possession of firearms) at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).