Ni JEAN FERNANDO
Patay ang isang preso habang pitong iba pa ang isinugod sa ospital nang mag-collapse ang mga ito sa loob ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB) Jail sa Pasay City, nitong Miyerkules ng gabi.
Si Domingo delos Santos, 35, ay dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital dahil umano sa atake sa puso.
Inoobserbahan naman sa pagamutan ang pito pang preso dahil nahihirapan pang huminga ang mga ito.
Ipinahayag naman ni Chief Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng SIDMB, na bago maganap ang insidente, nagsagawa ng noise barrage ang 100 na preso upang makuha ang atensyon ng mga pulis na naka-duty matapos himatyin ang walong kasamahang bilanggo, dakong 10:30 ng gabi.
Kaagad namang dinala sa ospital ang walong preso, kabilang na si Delos Santos na kaagad na binawian ng buhay.
Inamin naman ni Sangel na siksikan ang kanilang kulungan dahil umaabot sila 143, kahit kakasya lamang ito sa 30 preso.
Sa rekord ng pulisya, si Delos Santos ay pang-apat sa namatay na preso sa lugar mula nitong Enero.