Ni Orly L. Barcala

Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos nitong barilin ang katransaksiyong pulis sa buy-bust operation sa Valenzuela City, nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ni Chief Insp. Jowilouie Bilaro, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Senior Supt. Ronaldo O. Mendoza, hepe ng Valenzuela City Police, kinilala ang suspek na si Allan Trongkoso, 34, ng Barangay Balubaran ng nasabing lungsod at kabilang sa drugs watch list ng pulisya.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng SDEU, kasama sina SPO1 Roberto Santillan at PO3 Antonio Arpis na kapwa nagsilbing poseur-buyer, sa kahabaan ng McArthur Highway, sa Bgy. Balubaran, pasado 7:00 ng gabi.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Matapos iabot ni Trongkoso ang droga kay PO3 Arpis, nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya bumunot ng baril at binaril ang pulis na tinamaan sa kanang braso.

Napilitan si SPO1 Santillan na barilin sa dibdib si Trongkoso, na ikinamatay nito.

Narekober sa suspek ang .38 caliber pistol at ilang pakete ng hinihinalang shabu.