Ni Orly L. Barcala

Isa-isang dinampot ng mga pulis ang tatlong lalaki na sinasabing gumahasa sa 17-anyos na babae sa Valenzuela City, nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni Chief Insp. Rhoderick Juan, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), ang mga inaresto na sina Danreb Reyes, 23; Dante Velasco, 23; at Areil Baret, 23, pawang ng Barangay Ugong ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ng biktima, nakilala nito sa Facebook si Reyes at madalas nitong ka-chat.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Hiniling umano ni Reyes na magkita sila nang personal, na pinaunlakan ng dalagita nitong Linggo sa ganap na 2:00 ng hapon.

“Inaya po ako ni Danreb sa bahay ng kaibigan niyang si Dante at naroon din si Ariel na nag-iinuman kasama ang iba pa nilang kaibigan,” ayon sa biktima.

Pagkatapos umano ng inuman, umalis na ang ibang tropa ni Reyes at naiwan sina Velasco at Baret at doon na umano hinalay ng mga suspek ang biktima.

Nakapagsumbong ang dalagita sa kanyang magulang at nagpasaklolo sa Police Community Precinct (PCP) 8 at inaresto ang mga suspek sa kani-kanilang bahay.

Sa pulisya, mariing itinanggi ng mga suspek ang alegasyon ng biktima.

Kinasuhan ang mga suspek ng tatlong bilang ng rape at paglabag sa Child Abuse Law (RA 7610).

Isinailalim naman ang biktima sa counselling sa Child Protection Desk ng Valenzuela City government.

“Huwag po tayong magtitiwala sa mga nakilala lamang natin sa Facebook, kung sakaling gustong makipagkita sa inyo ng inyong ka-chat magsama ng kaibigan at hindi ‘yung nag-iisa lang,” paalala ni Juan.