Ni Jun Ramirez
Hiniling ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa self-employed (mga propesyunal at negosyante) at iba pang individual taxpayers na isumite na ngayon ang kanilang 2017 income tax return (ITR) at huwag nang hintayin ang deadline sa Abril 16 para maiwasan ang inconveniences na karaniwang nangyayari sa last-day rush.
Sinabi ni BIR Commissioner Caesar R. Dulay na tulad sa nakalipas ay hindi na palalawigin pa ang deadline at ang mga mahuhuli sa paghahain ay papatawan ng dating multa, kabilang ang 25 porsiyentong surcharge sa halagang dapat babayaran at 20% annual interest.
Inilipat ang huling araw ng paghahain sa Abril 16 mula sa orihinal na deadline na Abril 15 dahil ito ay natapat sa Linggo, na walang pasok.
Pinaalalahaan ng Metro Manila revenue regional directors ang filers na gamitin ang lumang ITR schedule at hindi ang bago sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na sa 2019 pa gagamitin para sakupin ang income ngayong taon.
Ang isang salaried worker ay hindi na kailangang maghain ng ITR dahil trabaho na ito ng kanilang employer sa ilalim ng tinatawag na substituted filing system.
Gayunman, kailangan niya itong ihain kung mayroon siyang dalawa o mahigit pang employers.
Exempted din sa pagsuusmite ng ITR ang mga indibidwal na ang annual gross income ay hindi lalagpas sa kanyang personal at additional exemption gayundin ang iba pa na ang solong kinita ay nabawasan na withholding tax gaya ng interest sa bank deposits at sale ng real estate properties.
Ang married working couple ay maaaring mag-claim ng P50,000 bawat isa bilang personal exemption, ngunit hindi na maaaring mag-claim ng karagdagang exemption na P25,000 para sa bawat dependent child na hindi lalagpas sa apat.
Obligadong maghain ng returns ang Filipino citizens dito at sa ibang bansa at mga banyaga na ang kita ay nagmumula sa bansa.