Ni Celo Lagmay
PATULOY ang paglakas ng ugong ng balasahan sa gabinete ni Pangulong Duterte; siya mismo ang nagpapahiwatig na may mga gugulong ang ulo, wika nga, dahil marahil sa kabi-kabilang mga kapalpakan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nagbubunsod ng mga reklamo ng sambayanan.
Hindi nailingid ang panggagalaiti ng Pangulo, halimbawa, sa pamunuan ng Department of Justice (DoJ) nang walang kaabug-abog na palayain ang mga drug lord na sinasabing utak ng pagtindi ng problema sa ipinagbabawal na mga droga.
Naniniwala ako na ang naturang pahayag ang nagpapatibay sa mga espekulasyon na si DoJ Secretary Vitaliano Aguirre ay nanganganib sa kanyang posisyon.
Ang gayong mga pananaw ay hindi naman ikinatigatig ng naturang opisyal. Katunayan, naulinigan ko na nakahanda na ang kanyang resignation letter bilang preparasyon sa magiging desisyon ng Pangulo.
Maging ang pamunuan ng Departmen of Transportation (DOTr) ay nahahagingan din ng sinasabing napipintong balasahan.
Sanhi marahil ito ng mga kapalpakan din ng ilang tauhan ni Secretary Arturo Tugade kaugnay ng nakapepesteng problema sa MRT-III. Hindi maubos-ubos ang reklamo ng mga mamamayan sa paputul-putol na biyahe ng mga tren. Mabuti na lamang at nitong nakaraang araw, sumidhi ang pagsisikap na pagaanin ang pasanin ng mga pasahero. Gayunman, naroroon pa rin ang espekulasyon na tila nanganganib ang katayuan ni Tugade.
Natitiyak ko na may mga tanggapan ng pamahalaan ang nakukulapulan pa ng anomalya at pagmamalabis sa tungkulin. Ang pamunuan ng National Food Authority (NFA), halimbawa, ay inuulan ng mga batikos dahil sa isyu sa bigas. Mismong sina Senador Cynthia Villar at Bam Aquino ang mistulang nagtataboy kay NFA Chairman Jason Aquino upang magbitiw sa tungkulin. Palibhasa’y umaasa lang sa murang bigas na dapat sanang ipinagbibili ng NFA, kabilang din ako sa mga nanawagan ng pagbibitiw ni Aquino.
Naniniwala ako na hindi nanghihinayang ang Pangulo sa pagpapatalsik sa kanyang mga kaalyado. Maraming beses na niya itong nagawa at nasagasaan ang mismong mga opisyal na masyadong malapit sa kanyang puso; mga opisyal na naging katuwang niya sa kanyang pag-akyat sa pinakamataas na luklukan sa gobyerno.
Dapat lamang niyang hawiin ang mga balakid sa hangarin niyang lumikha ng isang malinis na pamahalaan; walang dapat paligtasin sa Cabinet revamp upang ganap na malipol ang mga katiwalian.