Warriors, tumabla sa Thunder; Rockets at Cavs, nangibabaw

OKLAHOMA CITY (AP) — Nananatili pa ang hinanakit ng Thunder fans kay Kevin Durant, ngunit sa kabila ng tinanggap na pang-aasar ng crowd nagsalansan ang one-time MVP ng 34 puntos para sandigan ang Golden State Warriors sa manipis na 111-107 panalo nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Sinalanta ni Lebron James ang depensa ng Toronto Raptors. (AP)

Sinalanta ni Lebron James ang depensa ng Toronto Raptors. (AP)

Nag-ambag si Klay Thompson ng 20 puntos para makatabla sa Thunder sa kanilang season series sa 2-2 sa kabila nang pagkawala ni All- Star guard Stephen Curry dulot ng MCL sprain sa kaliwang tuhod.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna si Russell Westbrook sa Thunder sa nakubrang 44 puntos at 16 rebounds, habang tumipa si Paul George ng 20 puntos at walong rebounds.

Tangan ng Golden State ang 107-103 bentahe nang maagaw ni Westbrook ang bola para sa go-ahead dunk ni Corey Brewer may 20 segundo ang nalalabi. Nakabawi naman ang Warriors sa dalawang free throw ni Quinn Cook.

Mabilis na nakaiskor si Westbrook sa layup para sa 109-107, ngunit tumipa ng dalawang free throw si Draymond Green may 10 segundo ang nalalabi para selyuhan ang panalo ng Warriors.

Ratsada si Durant sa naiskor na 15 puntos sa first quarter, at nagdag ng siyam sa second period para mailayo ang Warriors sa 57-47 bentahe sa halftime. Sa kabuuan ng laro, pinutakti ng pambubuska si Durant ng crowed na tila hindi makalimutan ang naging desisyon nito na lisanin ang Oklahomasa free agency para sa inaasam na kampeonato sa Golden States may dalawang taon na ang nakalilipas.

ROCKETS 120, WIZARDS 104

Sa Houston, kinapos lamang ng isang assist para sa panibagong triple-double ang laro ni James Harden para pangunahan ang panalo ng Rockets laban sa Washington Wizards.

Nakubra ni Harden ang 38 puntos, 10 rebounds at siyam na assists sa isa pang dominanteng laro na nagpatatag sa kampanya para sa MVP awards ngayong season.

Sa gitna nang hiyawan nang mga fans na MVP, MVP sa Toyota Center, nagpakitang-gilas si Harden, tampok ang tatlong sunod na possessions. Naisalpak niya ang magkasunod na step-back jumpers bago nakumpleto ang three-point play sa isang reverse layup.

Hawak ng Rockets (63-15) ang home-court advantage sa kabuuan ng playoffs.

Umabot sa 24 puntos ang abante ng Houston, 71-49, sa halftime at nanatiling dominante papasok sa final period, 95-75.

Nag-ambag si Clint Capela ng 21 puntos at 10 rebounds para sa Houston, habang tumipa si Gerald Green ng 16 puntos mula sa bench.

Nanguna si Bradley Beal sa Washington na may 27 puntos, habang tumipa sina Markieff Morris ng 14 puntos at Otto Porter, Jr. ng 12 puntos. Nalimitahan naman si John Wall – sumabak sa ikalawang laro mula nang makarekober sa tinamong injury mula nitong Enero – sa siyam na puntos at 10 assists.

CAVS 112, RAPTORS 106

Sa Cleveland, ratsada si LeBron James sa naharbat na 27 puntos para sandigan ang Cavaliers at ipaalala sa Eastern Conference leader Toronto Raptors kung ano ang naghihintay sa kanila sa playoff.

Humirit din si James ng siyam na rebounds at anim na assists para patatagin ang Cavs sa No.3 spot sa playoff berth.

Nag-ambag sina Jose Calderon ng 19 puntos at Kevin Love na may 18 puntos at 15 rebounds para sa Cavs sa ikasiyam na panalo ng Cavs sa huling 10 laro.

Binalikat ni DeMar DeRozan ang Raptors sa naiskor na 19 puntos at tumipa si Jonas Valanciunas ng 17 puntos, ngunit nalimitahan lamang si All-Star guard Kyle Lowry sa limang puntos.