Ni MARY ANN SANTIAGO

Hindi na mapapakinabangan pa ng umano’y ‘Akyat-Bahay’ gang member ang electric fan na tinangka nitong tangayin nang mahulog sa sirang bintana ng niloobang bahay sa Marikina City, nitong Sabado ng hapon.

Sinampahan ng kasong robbery with force upon things at paglabag sa Batas Pambansa 6 (illegal possession of bladed weapon) ang suspek na si Paolo Cabrero, construction worker, ng Barangay San Roque ng nasabing lungsod, na inireklamo ng biktimang si Zaldy Sison, self-employed.

Sa ulat ng Marikina City Police, naaresto ang suspek sa labas ng bahay ng biktima sa Mabini Street sa Bgy. San Roque, bandang 5:00 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa pahayag ni Sison sa pulisya, nasa loob siya ng kanyang bahay nang makarinig ng malakas na kalabog sa labas at agad niya itong sinilip at nakita ang suspek na namimilipat sa sakit dahil sa pagkahulog nito mula sa bintana.

Ayon sa biktima, hawak-hawak pa ng suspek ang isang nasirang electric fan, na sinasabing ninakaw ng huli, gayundin ang isang sliding window na posibleng kinapitan nito habang papalabas na ng bahay.

Mabilis na humingi ng tulong ang biktima sa mga miyembro ng Barangay San Roque Barangay Security Force (BSF) at inaresto ang suspek.

Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek ang isang patalim na siyam na pulgada ang haba.