Ni Francis T. Wakefield

Maaari nang makauwi ang aabot sa 1,600 pamilyang lumikas kamakailan dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ito ang naging desisyon kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) matapos ibaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level ng bulkan dahil na rin sa madalang na volcanic activity nito.

Mula sa Level 3 alert status nito, ibinaba na ng Phivolcs sa Level 2 ang status ng Mayon matapos ang mahabang obserbasyon ng ahensiya sa sitwasyon nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inaasahan naman ni NDRRMC spokesperson Romina Marasigan na mababakante na ang lahat ng evacuation center sa Albay dahil ipinag-utos na rin ang pagpapauwi sa mga lumikas na residente.

Sinabi rin ni Marasigan na pansamantala pa ring sumisilong sa apat na evacuation center sa Camalig, Guinobatan, Malilipot at Tabaco ang aabot sa 1,630 pamilya, o katumbas ng 6,427 indibidwal.

“We are expecting them but not all na makikipag-decamp today para maubos na ‘yung mga nasa evacuation center natin kasi meron ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) na food-for-work. Ang gagawin naman nila kasi na task is maglinis ng mga evacuation centers natin so hindi pa siya totally mauubos lahat ng families doon,” paliwanag ni Marasigan.